Ipinaliwanag ni Dr. Cornejo na sa paninigarilyo nagmumula ang kanser sa baga dahil ang bawat stick ng sigarilyo ay maraming taglay na chemical na nakalalason. Ang paninigarilyo rin ang sanhi ng sakit sa puso. Nababarahan ng nikotina ang mga ugat na daluyan ng dugo. Sa paninigarilyo rin nakukuha ang chronic bronchitis, hirap sa paghinga, pneumonia at ang kinatatakutang emphysema. Ang mga buntis na naninigarilyo ay apektado ang sanggol na dinadala nila sa sinapupunan. Maaaring ang sanggol ay lumabas na patay (stillborn), kulang sa timbang at mabubuhay lang sandali matapos ipanganak. Mapaminsala ang usok ng sigarilyo sa mga hindi naninigarilyo (passive smokers) lalo na sa mga bata.
Pakiusap ko sa mga naninigarilyo na tigilan na nila ang bisyong ito. Isipin nila ang kalusugan at ang kanilang mga mahal sa buhay. Harinawa na ang Anti-Smoking Bill ay maipatupad na mabuti nationwide at hindi matapos lang sa pagiging batas nito. Gaya ng malimit kong ipaalala, pakaingatan natin ang ating kalusugan na isa sa ating tanging yaman.