Payak na pamumuhay ngunit makapangyarihan sa gawa

SA Ebanghelyo sa araw na ito, sinusugo ni Jesus ang mga alagad sa isang misyon. Ang mga alagad ay kailangang maging mahirap, simple at matipid. Ang ganitong uri ng pamumuhay ay kaakit-akit sa kanyang sarili. Walang palamuti. Ibinibigay nito ang payak na buod ng mensahe: Nais ng Diyos na maghari sa inyong puso’t buhay.

Ito ang dalawang matinding punto na binibigyang-diin ngayon ng Ebanghelyo (Mk. 6:7-13).

"At nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid upang magturo.Tinawag niya ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: ‘Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.‚ Sinabi rin niya sa kanila, ‘At sa alinmang tahanang inyong tuluyan – manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.’ Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit."


Sapat na ang ating nabanggit tungkol sa estilo o uri ng pamumuhay. Ngayon ay dapat nating bigyang-diin ang makapangyarihang gawain na isinaganap ng mga alagad. Ang mga tao’y may mga sakit – sa katawan, isip at kaluluwa at ito ay talos ni Jesus. Naglibot si Jesus upang pagalingin ang napakaraming maysakit na lumapit sa kanya. Lahat tayo’y may handog ng pagpapagaling. Misyon natin na pagalingin ang mga puso’t kaluluwa. Maaari tayong makapagpaginhawa ng kalooban ng mga taong nagdadalamhati. Pagpapatawad doon sa mga taong nakasakit sa atin. Kalakasan at katapangan ng loob doon sa mga nasisiphayo. Suporta doon sa mga nagdadalawang-isip. Pagsama’t pag-alalay doon sa mga taong nag-iisa. Pangangalaga at pagmamalasakit sa mga pinabayaan.

Ang mapagmahal na presensiya ay mismong isang puwersang nagpapahilom. Dito rin at ngayon, sinusugo kayo ni Jesus na ibigay ang inyong mapagmahal at mapaghilom na presensiya.

Show comments