Isang magandang halimbawa ay ang pagsasara sa Rizal Avenue mula A. Carriedo hanggang C.M. Recto. Tanging ang mga sasakyang pa-north bound ang dumadaan sa Rizal Avenue. Ang mga sasakyang galing Monumento ay kailangang kumaliwa sa Fugoso St., kakanan sa T. Mapua St., tatawid ng C. M. Recto at tutungo sa Plaza Lacson, Sta Cruz. Dahil sa liit ng kalsada sa T. Mapua, grabeng trapik ang nararanasan. Halos magkagitgitan ang mga sasakyan. Walang ibang maririnig sa mga pasahero at motorista kundi ang pagmumura sa anilay maling rerouting.
Bago ang pagkakasara ng Rizal Avenue, may tatlong buwan nang ginagawa ang Muelle del Rio na nasa likod ng Post Office patungo sa Bureau of Immigration. Pinagaganda ang lugar na iyon at ang kalsada ay isa nang malinis na parke na mula roon ay matatanaw ang maitim at mapanghing tubig ng Pasig River.
Ang Muelle del Rio ay isang napaka-abalang kalye sa Maynila sapagkat dito nagdaraan ang mga trailer truck, jeepney, ten-wheelers at iba pang pribadong sasakyan. Nagdaraan diyan ang mga dyipning biyaheng Cubao, Monumento, Retiro at marami pang iba. Kinakailangang umikot pa sa Escolta ang mga dyip na may sign board na Pier para makarating sa patutunguhan.
Maging ang Bonifacio Circle sa Monumento, ay isasara na rin umano sa trapik upang masimulan na ang pagpapagawa ng park na katulad ng sa Roxas Boulevard. Isang magandang pasyalan ng mga tao. Ang tanong naman ay saan dadaan ang mga sasakyan na parami pa rin nang parami. Wala nang kalsada sapagkat kinain na ng mga parke.
Ang mga bundok at kaparangan ay tinayuan na ng mga bahay. Wala nang mapagtaniman kaya kinakapos sa pagkain. Ngayon naman, pati kalsada ay ginagawang parkeng pasyalan at pook sayawan.