Ayon sa aking bubuwit, happy birthday muna kay Housing Czar Sec. Michael Defensor, Rep. Benjamin Cappleman ng Ifugao; dating Rep. Jose Mari "Sampal" Gonzales at Rep. Nur Gaspar Jaafar ng Tawi-Tawi.
Ayon sa aking bubuwit, naririnig na noon ni Mister na nilalagyan na siya ng ipot sa ulo ng kanyang misis subalit hindi niya ito pinapansin. Hindi inakala ni Mister na magtataksil ang kanyang misis sapagkat ito ay isang Muslim.
Ngunit dahil patuloy ang pagkalat ng mga tsismis sa kanilang barangay na tinotorotot na siya ni misis at ng pari, nagsimula na siyang magmatyag.
Maniwala ba kayo na madaling-araw na kung umuwi si Misis?
Ang idinadahilan ng dentistang misis ay kasama raw siya ni Mayor sa kanilang medical mission sa mga liblib na barangay. Pero duda si Mister.
Ang unang tiningnan ni Mister ay ang cellphone ni Misis. Nakita ni Mister ang mga messages ng pari sa kanyang asawa.
May messages ang pari na nagsasabi na handa raw niyang isakripisyo ang kanyang pagka-pari alang-alang sa pagmamahal sa dentista.
Meron pa siyang message na ganito "Agahan mong pumunta sa clinic para makarami tayo."
Ang pinakamatindi ay nang abutan ni mister ang pari sa clinic ng kanyang misis. Nakita niya kasing nakaparada ang motorsiklo ng pari sa tagiliran ng clinic ni Misis.
Dahil dito ay kaagad na pinasok ni Mister ang klinika. Nahuli niya sa akto ang pari at si Misis na nasa loob nga ng klinika. Sinugod at sinuntok ni Mister ang pari. Mabilis na tumakbo palabas ang pari. Sinundan siya ni Mister subalit hindi niya inabutan sapagkat mabilis itong nakasakay sa motorsiklo.
Dahil sa ganitong pangyayari, hiniwalayan na ni Mister ang kanyang misis at nagsampa ng reklamo dito at sa pari.
Ayon sa aking bubuwit, ang mister na nanuntok ng pari na tomorotot sa kanya ay si Mr. Nestor Encarnacion. Ang kanyang misis na siyota pala ng pari ay si Dr. Kuarizmae Kuhutan Encarnacion.
At ang paring matulis ay walang iba kundi si... Father, patawarin po ninyo ako, wala po itong personalan, trabaho lang.
Bata pa kasi si Father, 31-anyos lang. Siya ay pari sa Bgy. Napsan, Puerto Princesa City.
Siya ay si Fr. Alvin Habab.