Ano ba ang paliwanag ni GMA na ang Philippine Drug Enforcement Agency ay kulang sa budget kung kayat hindi nito maipatupad ang tunay nilang hangarin upang epektibong masupil ang paglawak ng droga. Ang PDEA ay itinatag upang siyang tanging ahensiya ng gobyerno na managot sa problemang ito ngunit hindi ito nabibigyan ng karapat-dapat na pondo at suporta ng pamahalaan.
Ayon sa mga balita, dapat sana ay may itinalagang P100 milyon ngunit P50 milyon lamang ang inilaan sa PDEA. Inamin ng mga taga-PDEA na kulang na kulang ito sa pangangailangan nila. Dapat ay alam ng kinauukulan na magiging inutil ang PDEA sa sindikato kung hikahos ang ahensiya sa pondo.
Hindi lamang ito ang problema ng PDEA. Hahaluan pa ito ng panggugulo ng ilang pinuno na sa halip na tulungan ay pinahihina pa ang kanilang kalooban sa pamamagitan ng pagtatalaga ng ibang mga opisyal. Nakakasira ito sa moral at kalooban ng mga taga-PDEA.
Nagmukhang tanga ang Malacañang sa biglang pag-urong sa pagtatalaga kina Sen. Robert Barbers, dating Mayor Alfredo Lim at mga retired police officers na sina Capt. Jaylo at Maj. Margallo. Natauhan din si GMA. Kung hindi, malas na lang sana ang mangyayari sa kampanya laban sa droga. Gen. Anselmo Avenido, ikaw naman ang magpakita ng iyong alas.