EDITORYAL - NBP: Pambansang kulungan ng mga bangag

MASYADONG malala nang drug problem sa bansa. At matatagalan pa bago marahil magkaroon ng kalutasan ang problemang ito. Isa sa mga dahilan kung bakit matatagalan ang paglutas ay dahil sa walang direksiyon ang pamahalaan kung paano ito seryosong lulutasin. Walang matibay na solusyon at urung-sulong. Isa sa mga pinaka-kontrobersiyal na balita sa droga ay ang pagkakabistong sa loob mismo ng National Bilibid Prisons (NBP) ay talamak ang pagkalat ng shabu. At kung kalat na ang shabu roon, iisa lamang ang sabihin, maraming drug addict doon.

Bilibid it or not pero mayroong shabu laboratory doon. Ang pagkumpirma sa pagkakaroon ng laboratory ay sinabi mismo ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Dionisio Santiago. Ginagawa ang shabu sa maximum security compound kung saan ay nakakulong ang may 64 na Chinese drug traffickers. Noong nakaraang linggo, ipinag-utos na ni Santiago ang pagwasak sa mga kubol na pinaghihinalaang laboratoryo. Ang pagkakadiskubre sa shabu lab ay ibinulgar ng mga inmates mismo.

Ang drug trade sa NBP ay matagal nang umalingasaw at kakatwang ngayon lamang napagtuunan ng pansin ng mga opisyal ng NBP. Panahon pa ni dating BuCor Director Ricardo Macala ay sumingaw na ang pagkakaroon ng shabu lab at talamak na ang pagkalat doon. Sumingaw din ang pagkalat ng mga pekeng pera, pagkakaroon ng baril at ganoon din naman ang "VIP" treatment na tinatamasa ng mga bilanggong maimpluwensiya. Subalit pawang pagtanggi ang sagot ng mga namumuno sa NBP. Hanggang sa sinibak si Macala at ipinalit si Santiago.

Ngayong umalingasaw na ang baho, dapat na magkaroon pa nang malalim na imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) sa mga corrupt na opisyal sa NBP. Hubaran ng maskara ang mga opisyal, empleado, guwardiya na sangkot sa drug trade. Hindi magkakaroon ng lakas ng loob ang sindikato kung wala silang kinakapitan doon. Hindi sila mangangahas kung walang maimpluwensiyang taong magliligtas sa kanila. Paano maipapasok ang mga aparato at iba pang kagamitan sa paggawa ng shabu kung hindi kasabwat ang guwardiya? Imposibleng hindi malaman ni NBP Supt. Francisco Abunales na may nangyayari na palang "tulakan" ng shabu sa kanyang bakuran. Kalkalin at parusahan nang mabigat ang mga mapapatunayan. Hindi nararapat na maipagpaliban pa ang pagkakatuklas sa drug trade sa "loob". Hindi nararapat ang ningas-kugong imbestigasyon dito. Resulta ang mahalaga lalo pa at nakatatakot na ang problema sa droga.

Show comments