Sabi ni Sonny Alvarez, Presidential Adviser on Overseas Filipinos at Spokesman ng partido ni GMA na pagmasdan na lang ng taumbayan ang body language ng president kung tatakbo o hindi o pipili na lang kina Sen. Ramon Magsaysay o Sen. Juan Flavier para patakbuhin.
Sabi ng mga kababayan ni GMA sa Pampanga, dapat daw tumakbo si GMA sapagkat ang tatlong taong panunungkulan nito ay bitin na bitin at kailangan pa ng isa pang termino upang matapos ang mga magagandang proyekto.
Hindi nababawasan ang pulitikahan sa kasalukuyan at ang Malacañang ang pinanggagalingan at nagpapasimuno nito. Tingnan ang mga nangyayari sa mga malalapit na tauhan ni GMA na sina Sec. Nani Braganza at Sec. Joey Rufino na nagkakagulo kung sino ang mamamahala sa mga bagay-pampulitika ni GMA at ng Palasyo.
Dapat bang pagtakhan na namumulitika pa rin si GMA hanggang ngayon kahit na anong tanggi ang gawin nito at ng kanyang mga tauhan? Baka ito ay isang political ploy. Kapag nalaman nga naman na hindi na magiging presidente si GMA, baka mawalan na ito ng impluwensiya. Ito marahil ang dahilan kung bakit pinalulutang na hindi pa rin siya laos.