Mga bataan ng gambling lords, mag-uupakan sa Cavite

MALAMANG bumaha ng dugo sa pagitan ng mga bataan at mga supporters ng mga gambling lords na may operasyong dayaan bolahan sa Tekabits.

Ibinulong sa mga kuwago ng ORA MISMO, may pumasok na bagong financer sa Tekabits kaya nagkakagulo ngayon dito.

Matitindi ang mga padrino nina alyas Agila at de Belen, mga saradong bata ni Viceo ng Bulacan, dahil tiembrado ng malaking tsapit sila sa itaas.

Kaya pala nagwawala ang mga old-timer porke napasok at binulabog ang kanilang teritoryo.

Malaking halaga raw ang hatag at goodwill money ng bagong sibol na gambling lords kaya inumpisahan nila noong Sabado ang dayaan bolahan sa iba’t ibang bayan ng Tekabits. DILG Secretary Joey Lina, Your Honor.

Walang magawa ang mga bataan nina Tony Onggoy, Teddy Kabayo at Ebeng sa mga bagong sibol. P1.3 million daw ang kubransa ngayon sa Tekabits at malaki ang intelihensiya sa itaas. Maraming personalidad ang ginagamit ng bagong sibol kaya hindi sila puwedeng birahin sa Tekabits.

Ang mga supporters ng mga old-timers ang gagawa raw ng alingasngas kaya magkakasubukan ang grupo ng bagong sibol at sila sa Tekabits.

Giyera patani, ang mangyayari kung magkakatotoo ito. PNP bossing Jun Ebdane, Sir.

Pero sa palagay ng mga kuwago ng ORA MISMO ay hindi uubra ang tapang ng mga kamote kay Region 4 Director Jimmy Caringal. Baka hindi nila kilala si Jimmy. Mabait at hindi kurap si General kaya may paglalagyan ang mga gagong patong sa Tekabits.

Kung ginagasgas nila ang pangalan nito lalo silang yari?

"Matindi talaga ang dayaan bolahan sa Tekabits," anang kuwagong urot.

"Naaawa nga ako sa mga mananaya dahil hindi sila manalo sa dayaan bolahan," sabi ng kuwagong Kotong cop.

Show comments