Pero hirit ni Gus Lagman, computer expert ng Namfrel, laos na ang flying voter bilang taktika ng tiwaling politiko. Magastos kasi ito: P200 hanggang P2,000 kada flying voter. Tapos, mahigpit pa sa presinto. May poll watchers na nakakakilala sa bawat botante. May indelible ink pa sa mga nakaboto na. Kaya ang uso ngayon ay dagdag-bawas. Ilang teacher at Comelec officer lang ang kasabwat, Mas mura ang gastos, pero mas malaki ang numerong madadaya. Makikita ito sa statistics:
Sa anim na probinsiya sa Bicol nung 2000, malaki na ang 0.09% ang multiple registrants. Sa Metro Manila nung 2001, 0.3% lang, o 15,328 ng 5.1 milyon botante ang multiple registrant, at 0.2 percent lang sa iba pang siyudad.
Mas matindi ang dagdag bawas. Sa Marikina nung 1998 ang IIIII-II na boto sa isang presinto ay ni-record na "five-two." Kaya sa municipal canvass, naging "fifty-two." Walang kahirap-hirap nadagdagan nang 45 boto, imbis na umupa ng 45 flying voter.
Sa Manila 4th district nung 2001, ang bilang na 19 boto ay ni-recod na "ninety." Muli, nadagdagan nang 71 boto, pero hindi na nagbayad sa 71 flying voters. Sa teacher lang.
Sa labanan ng vice governor sa Rizal nung 2001, 28,725 ang boto ng isang kandidato sa bayan ng Binangonan. Pero sa canvassing, ginawa itong 35,725. Umangat nang 7,000 boto ang kandidato sa sulat-kamay lang ng isang tao. Kapansin-pansin nga naman kasi kung naghakot siya ng 7,000 flying voters.
Marami pang ehemplo si Lagman. Ang punut-dulo ng study niya: Hindi kailangan ang P1-bilyong VVS. Kaya ng volunteers mag-house-to-house para iberipika bawat botante. Kailangan ang automated counting kontra sa dagdag-bawas. Kaso mo, may anomalya rin sa kontrata nun.