Kahit papano, may ibang pinagkikitaan ang 34.5%, tulad ng sari-sari store o suweldo ng asawa na P10,000-P25,000 kada buwan; 65.5% ang umaasa lang sa suweldo.
Sa upa sa kuwarto, P1,500-P5,000 nauubos ang suweldo ng pulis. Kapos sa apartment. Kung hindi naman ay umuupa ng kubo sa squatter area kaya nalalapit sa gulo o sa maton.
Sunod sa pinaka-malaking gastos ng pulis ay sa pagpapaaral ng isa o dalawang anak: P5,000-P15,000 sa tuition, libro, baon at school supplies. Miski binata o dalaga ang pulis, may pinag-aaral na kapatid. Ugaling Pilipino ang pamumuhunan sa edukasyon.
Sa liit ng kita, natutukso ang pulis na mangotong. Pero karamihan pa rin ay matuwid. Kaya lang nakakaungos ay dahil sa tulong ng kamag-anak. Ugaling Pilipino rin ang alagaan ang hirap na kamag-anak.
Nakapagpabahay ang PNP sa Camp Bagong Diwa, Taguig. Pero kulang ito para sa 13,200 na umuupa lang ng kuwarto o sa squatter area. Plano ni Deputy Dir. Gen. Rey Velasco, hepe ng PNP-Metro Manila, na magpa-livelihood projects sa mga asawa ng pulis. Dahil college graduate ang pulis, malamang na may pinag-aralan din ang asawa at marunong maghanapbuhay, mabigyan lang ng pagkakataon.
Nais din niyang magkaroon ng mas murang pautang para sa pulis, para hindi na umabot sa 38-150% ang interes sa kasalukuyang utang. At gusto niya turuan silang mag-ipon imbes na umutang palagi.
Ayaw ni Velasco gawing katwiran ang mababang suweldo para maging tiwali ang pulis. Dapat daw matino ang pagkatao, pinag-aralan at kapaligiran para manatiling matino rin ang pulis.