Matatandaan na pinaimbestigahan ni PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. ang misteryosong pagkalat ng mga pekeng gun permits na karamihan ay napunta sa mga Chinese gun aficionados sa Binondo, Manila. May isa ring nakarating sa Lanao del Norte, anang kausap nating pulis sa Camp Crame. Natuklasan ang anomalya ng mabuking ni Supt. Ricardo Marquez, hepe ng PTCFOR secretariat, ang apat na pekeng gun permits sa mga may hawak nito. Sa libro kasi ni Marquez ang inisyu lang niyang PTCFOR noong Abril ay hanggang sa numerong 03040264. Eh nagkalat sa kalye ang mga gun permits na may numerong 03040567 hanggang 03040600, he!-he!-he! Halatang palusot no, mga suki? At umaabot sa P12,000 hanggang P16,000 pala ang bentahan ng pekeng gun permits.
Pero kung sino man ang utak nitong anomalya, eh mukhang mabilis ding magdesisyon. Kasi nga itong meat dealer na si Noel Binuya, 37, ng 64 12th Ave., Murphy, Quezon City ay lumutang at umamin na siya ang nasa likod ng madyik. Hindi naman konektado itong si Binuya sa PNP subalit malakas siya sa may-ari ng Kymtech, ang kompanyang mga eksklusibong karapatang gumawa o mag-print ng PTCFOR ID cards.
Ang sistema pala ni Binuya ay isinisingit niya ang mga pekeng application forms na naimprenta naman ng Kymtech na hindi man lamang nakipag-coordinate sa opisina ni Marquez. Nakaugalian na kasi, na ang lahat ng papeles na galing sa secretariat ay inaakalang legal na at pirmado ni Ebadne. Sa isinagawang imbestigasyon ni Sec. Supt. Francisco Don Montenegro, hepe ng National Capital Region ng CIDG, lumalabas na nagawa ni Binuya ang naturang anomalya para makakalap ng pera upang gastusan ang angiogram treatment ng kanyang amang may sakit. Pero hindi naniniwala si Ebdane na nag-iisa si Binuya sa naturang raket. Inutusan pa niya si Montenegro na diinan pa ang kanyang imbestigasyon para matukoy ang mastermind ng sindikato at maparusahan, he!-he!-he!! Bilang na ang mga araw nyo kung sino man kayong mga mandarambong diyan sa FED, di ba mga suki?
Naghusad kamay din si Keith Morato, isa sa may-ari ng Kymtech at idinistansya niya ang kanyang sarili kay Binuya. Pero mukhang tagilid din ang future ng kompanya niya kung si Ebdane ang tatanungin. Bilang na rin ang araw niya. Lintek talaga ang talim nitong palakol ni Ebdane, no mga suki? Tigpas lahat ng madadaanan, he!-he!-he! Sa tingin ko naman, mukhang ayaw pang umalis sa kanyang puwesto si Barias kahit walong buwan na siya doon. Matibay din kasi ang padrino ni Barias sa katauhan ng kapatid ni First Gentleman Mike Arroyo kayat ang usap-usapan sa Camp Crame eh ipipilit na niya ang kanyang sarili sa FED. Abangan.