Ang pakiisa sa Ama

ANG pakikiisa sa isang tao ay nangangahulugan nang pagtingin sa mga bagay-bagay katulad ng pagtingin niya sa mga ito. Ang pagiging magkaibigan. Sinasabi ni Jesus sa atin na makiisa sa kanya gaya ng pakikiisa niya sa Ama.

Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa kanyang pakikiisa sa Ama? Ito ay nangangahulugan ng pag-ibig sa Ama, pagiging masunurin sa kanya. Ang pagtalima sa kanyang kalooban kahit na ang darating na mga pangyayari ay magiging mahirap. Kahit na ito ay mangangailangan ng sakripisyo.

Pakinggan natin si Juan (Jn. 17:11-19).

"‘At ngayon, ako’y papunta na sa iyo; aalis na ako sa sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila. Amang banal, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, pangalang ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, kung paanong tayo’y iisa. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalang ibinigay mo sa akin. Inalagaan ko sila at ni isa’y walang napahamak, liban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan,upang matupad ang Kasulatan. Ngunit ngayon, ako’y papunta na sa iyo; at sinasabi ko ito habang ako’y nasa sanlibutan upang mapuspos sila ng kagalakan. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita; at kinapootan sila ng sanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Hindi ko idinadalanging alisin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama! Hindi sila makasanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo’y katotohanan. Kung paanong sinugo mo ako sa sanlibutan, gayon din naman, sinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanila’y itinalaga ko ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan.’"


Hinihiling sa atin ni Jesus na makiisa sa Ama. Hinihiling din niya na makiisa sa kanya. Ano ang hinihingi nito sa atin? Si Jesus ang ating modelo, ang ating huwaran. Dapat nating tingnan si Jesus upang malaman natin ang pakikiisa sa Ama. Dapat tayong tumalima sa kalooban ng Ama. Kahit na ito ay humihingi sa atin ng sakripisyo. Dapat nating ipakita ang ating kagalakan sa pagtalima sa kalooban ng Ama, kahit na ito ay mahirap. Nang sa gayon, yamang si Jesus ang ating halimbawa, tayo rin ay maging halimbawa sa iba kung paanong makiisa kay Jesus at sa Ama.

Show comments