Ilang beses nang naharap ang aming investigative team sa TV, ang BITAG, sa mga maiinit na kumprontasyon. Pero kakaiba ang nangyari noong Abril 22, sa pagitan ng mga ahente ng NBI Anti-Fraud Division at ng BITAG.
Sinubukang duruin ng mga bagitong ahente ng nabanggit na dibisyon ang aming "advance party". Tinangkang basagin daw nitong bruskong bagitong ahenteng nagngangalang "Gabinete" ang aming kamera.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng aming segment producer kasama ang aming production manager na si Jeff. Pinagtutulung-tulungan nilang duruin ang dalawa kesyo bawal daw ang kamera. At pinagbibintangan ang aming grupo na sila raw ang kinukunan.
Narinig ko malayo pa lamang habang papalapit ako kina Jeff ang panduduro nitong si Agent Gabinete at ilan sa kanyang mga kasamahan.
Pero nung dumating na ako sa kainitan ng kanilang pagtatalo, isa-isang pasimpleng nag-alisan ang ilan sa mga ahente na para bang may dala akong sakit na SARS.
Itong si Gabinete, buo pa rin ang dibdib kahit na nahulog na sa BITAG ng aming kamera ang kanyang pag-aasta, tuloy pa rin. Daig pa ang kanyang hepe na si Atty. Efren Meneses Jr. kung umasta.
Nung araw na iyon, napag-alaman ng BITAG nasa Baguio City raw ang kanilang hepe na si Meneses. Kaya naman pala kanya-kanya silang diskarte. Parang mga naglalarong daga dahil wala ang pusa.
Ang aming pakay, kasama ang mga nagrereklamo ay makaharap ang suspek na kanilang inirereklamo, asawa ni Police Colonel Ronaldo Macusi, si Dulce Macusi. Nung mga sandaling iyon nasa loob ng malamig na opisina ng NBI Anti-Fraud si Dulce.
Maliit na isda lang si Dulce sa likod ng organisadong sindikato na rent-a-car scam kung saan nagagawa nitong maisanla ang mga nirentahan nilang sasakyan. Ang mga kliyente, mga matataas na opisyal ng militar at pulis.
Ang mainit na kumprontasyon sa pagitan ng BITAG at mga ahente ng Anti-Fraud ay naging daan sa pagkaguho ng sindikatong nasa likod ng rent-a-car scam. Nabawi ang mga sasakyang nakapagtatakang naisanla ni Macusi.
Ayon sa nagrereklamong MYATT rent-a-car na lumapit sa BITAG, may dalawang buwang kontrata si Macusi sa mga sasakyang kanyang nirentahan. Hindi nagbayad si Macusi sa kanyang mga nirentahan. Ang masahol dito hindi na isinauli ni Macusi.
Sa kahilingan ng mga nagrereklamong suppliers ng MYATT rent-a-car sa BITAG, nagawa naming hilingin kay NBI Director Reynaldo Wycoco na ilipat ang kaso sa NBI-NCR mula sa Anti-Fraud Division.
Nagawa ng grupo ng NBI-NCR sa pamumuno ni Atty. Ed Arugay na MABAWI ang mga sasakyang isinangla ng sindikatong nasa likod ni Macusi.
Panoorin ang buong detalye kung papano tinutukan ng BITAG ang kasong ito bukas alas 55:30 ng hapon sa programang BITAG sa ABC-5.
Mensahe namin sa mga bagitong ahente ng NBI Anti-Fraud, hindi kami ipinanganak kahapon! Nakita nyo na ngayon ang kinahinatnan kung papano kami magtrabaho sa BITAG.