Alas-sais ng gabi ang pamamasada ni Nano. Nagpaalam ito kay Rita na magpapalipas siya ng gabi sa tiyuhin upang tumulong sa debut ng anak nito. Kaila kay Nano, umalis si Rita ng bahay bandang 8:30 ng gabi upang makipagkita sa isang tao. Nagpaalam ito sa anak.
Kinabukasan, nang bumalik si Nano sa bahay, wala si Rita. At nang sumapit na ang alas dose ng tanghali at wala pa rin ito, nagpasya silang hanapin ito. Alas diyes ng gabi, natagpuan ng mga tanod ang katawan ni Rita sa tabi ng daan. Nakita ito ni Matilde at mga barangay tanod. Ayon sa autopsiya, namatay si Rita dahil sa pagkakasakal at saksak sa kaliwang braso.
Nagbigay ng salaysay si Matilde. Ayon dito, hindi niya nakilala ang driver ng dyipni na nasalubong nila bago matagpuan ang katawan ni Rita dahil patay ang ilaw nito sa loob. Makaraan ang apat na araw, naging suspek si Nano nang kumpiskahin ang kanyang dyipni. Nang magsadya siya sa istasyon ng pulis, ipinatukoy siya kina Matilde at ibang tanod subalit hindi siya kilala ng mga ito. Pinaupo ng pulis si Nano sa dyipni at pinakaway ang kamay habang kinukunan siya ng retrato. Tinanong ng pulis sina Matilde ng "ano sa tingin ninyo? Hindi pa ba ninyo kilala iyan?" At dahil hindi talaga matukoy si Nano, hinawakan ng pulis ang balikat ni Matilde at bigla nitong sinabi na "Parang kahawig nga." Pagkatapos ay inaresto na si Nano. Gumawa na muli si Matilde ng isa pang salaysay, kumpleto ang detalye at tukoy na si Nano pati ang dyipni nito.
Base sa testimonya ni Matilde at sa mga testimonya ng tiyuhin at tiyahin ni Nano tungkol sa mga away ng mag-asawa, hinatulan ng mababang Korte si Nano ng parricide o pagpatay sa asawa. Tama ba ang Korte?
MALI. Ang paraan ng pagtukoy kay Nano at sa kanyang dyipni ay hindi regular na pamamaraan. Walang abogado na kasama si Nano sa ginawang imbestigasyon. Labag din sa konstitusyon ang ginawang pamamaraan ng pagsasadula ni Nano para lamang magbigay ng suhestyon ng pagtukoy sa kanya.
Hindi rin nag-aayon ang dalawang salaysay na ginawa ni Matilde. Ang ibang tanod na kasama ni Matilde ay hindi rin binigyan ng pagkakataon na magbigay ng testimonya dahil ayon sa mga ito, hindi talaga nila nakilala ang drayber ng dyipni nang mangyari ang insidente.
Dahil hindi napangibabawan ang pagiging inosente ni Nano, napawalang sala ito (People of the Phil. vs. Teves G. R. 141767 April 12, 2001).