Sanay na ang OFWs sa digmaan at balewala na ang mga banta ng kalaban ng Saudi Arabia. Tumiklop na ang Iraq na numero unong banta sa katahimikan doon. Pero mas may malaking banta sa buhay ng mga Pinoy habang nagtatrabaho sa Saudi ito ay ang mga terorista.
Niyanig ang Riyadh ng mga pagsabog noong Lunes ng gabi. Tatlong compound ng mga expatriates ang inatake at sa lakas ng pagsabog, tinatayang 20 katao ang napatay at may 50 ang nasugatan. Tatlong Pinoy workers ang napatay sa pagsabog at 19 ang malubhang sugatan. Nakapasok ang mga terorista sa tatlong compound dala ang mga sasakyang punumpuno ng explosives at sa isang iglap ay naging impiyerno ang lugar na iyon. Sinabi ng awtoridad na ang pag-atake ay kagagawan ng Al-Qaeda terrorists. Ang tatlong napatay ayon sa report ng Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) ay sina Rogelio Pababero, 61, Getulio Templo, 47 at Serafin Hernandez, 45.
Naglaho ang pangarap ng tatlong OFWs sa isang iglap lamang. Pinutol ng mga teroristang mali ang ipinaglalaban. Masakit ang nangyari sapagkat ang kanilang pamilya ay umaasa na magkakaroon ng pagbabago ang buhay dahil sa pagpapakahirap.
Ang tulong ng gobyerno ang hinihintay ng mga kaanak ng biktima. Asikasuhin mabuti ng OWWA ang madaliang pagpapadala ng bangkay ng tatlong OFW. Hindi nila dapat pabayaaan ang mga ito. Maraming kaso na ang mga namatay na OFW doon ay bumibilang muna ng ilang buwan at maski taon bago maiuwi. Nakababad sa freezer. Hindi malaman ng mga kaanak kung ano na ang nangyari sapagkat ang OWWA ay walang ginagawang paraan para maging madali ang repatration. Ang Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment ay nararapat ding gumawa ng hakbang upang matulungan ang mga OFW biktima ng bombing.