May balita naman tayong nakalap na kaya pala mga bataan ni Mendoza ang pinaupo ni GMA dahil nga sila lang ang nagpakitang handang magpakamatay para sa administrasyon niya. Ayon sa mga pulis na nakausap ko, may naganap palang pag-aalsa laban kay GMA nitong mga nagdaang buwan at si Mendoza lang ang mabilis na tumabi kay GMA para nga idepensa siya. Hayan napremyuhan tuloy ang mga bataan niya. Kung malakas sa ngayon si Mendoza kay GMA, isang magandang hudyat kaya ito para masabi nating siya na ang papalit kay Interior Secretary Joey Lina? Matagal na kasing kumakalat sa kalye na si Mendoza ang susunod na hepe ng DILG.
At kapag nasa DILG na si Mendoza hindi nalalayo na ang manok niyang si Dep. Dir. Gen. Reynaldo Velasco ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang uupo bilang kapalit ni Ebdane? May balitang kumalat kasi na package deal na itong pag-upo nina Mendoza at Velasco sa DILG at PNP nga kapag dumating nga ang pagkakataon. Kung sabagay maaring magkaklase sila sa Philippine Military Academy (PMA) subalit mas senior naman sa rangko si Velasco keysa dalawa pang contender na sina Dep. Dir. Gen. Edgar Aglipay at Virtus Gil, ang deputy director for administration at deputy chief for operations ng PNP.
Pero kung aanalisahing maigi itong pag-upo ng mga bataan ni Mendoza sa PNP, mukhang naitsa-puwera na ang mga kaalyado ni dating Presidente Ramos sa puwesto sa Palasyo at namayani na nga ay ang kampo ni dating Executive Secretary Renato Teka-Teka de Villa. Hindi naman kaila sa atin mga suki na sina Mendoza at Velasco ay sagradong bata ni De Villa samantalang si Ebdane ay alipores naman ni Ramos. Me power play kayang nangyayari sa Palasyo? On the way out na si Ebdane? Abangan.