Mas matindi ang problema sa PPA kaysa sa SARS

NANANAWAGAN si Crispin B. Punzalan, pangulo ng ARASOF Class 77, sa kanyang mga miyembro na dumalo sa grand reunion sa Abril 19, 2003, sa Fiesta 2000, Roxas Blvd., Nasugbu, Batangas.

Para sa karagdagang impormasyon, tawagan si Punzalan sa 0917-745-1988.

Ang isyu: Tuliro ang gobyerno ni Prez Gloria para pigilan ang pagpasok ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) sa bansa.

Lahat ng kampanya ay ginawa ng mga alipores nito para lamang maiwasang makarating ang killer pneumonia sa Pinas.

Sadsad ang turismo lugi ang airlines dahil naapektuhan ang mga bakasyunista sa pagpunta sa atin kahit na SARS-free ang bansa.

Kaya malaking pera ang nawala sa tourism sa nangyaring ito.

Sa palagay ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang SARS ay gawa ng Diyos at hindi ng tao porke ibang klase ang mikrobyong ito kapag tumama sa tao tepok kung hindi maagapan.

Samantala, ang Purchase Power Adjustment (PPA), ay gawa ng tao at hindi ng Diyos pero mas matindi tumama sa Noypi porke hindi isang tao lang ang apektado kundi buong pamilya.

Matinding tumama ang PPA sa tao porke bulsa nila ang binubutas nito.

Ang PPA kapag wala kang pera ay patay ka dahil putol ang kuryente mo samantala ang SARS kung wala kang pera ay libre pagamot sa Department of Health (DOH) at may pondo pa rito na P1.5 billion.

Sa SARS, kapag namatay ka tiyak superstar ka dahil libre publicity sa media?

Sa PPA, siguradong kahihiyan at tsismis ang aabutin mo sa kapitbahay porke wala kang kuryente kapag hindi ka nakapagbayad.

‘‘Bakit ba sagad ang pondo ng gobyerno sa SARS?’’ tanong ng kuwagong pulis na naglalanggas ng kanyang sariling galis.

‘‘Siyempre pang-international publicity at photo-opportunity at parati pang nasa telebisyon,’’ sagot ng kuwagong Kotong cop.

‘‘Hindi ba deklarado nang hindi bobotak si Prez sa 2004?’’ anang kuwagong SPO-10 sa Crame.

‘‘Iyan ang sabi nila.’’

‘‘Bakit tatakbo ba?’’

‘‘Iyan ang itanong mo sa kanila.’’

‘‘Paano kung tumakbo?’’

‘‘Diyan tiyak bababa ang singil sa PPA,’’ he-he-he!’’

Show comments