Wala raw ginawang aksyon ang Presidential Anti-Graft Commission sa kanilang isinampang graft and corruption case laban sa dalawang matataas na opisyal ng BFP. Ang mga kinasuhan ay sina F/CSupt. Francisco Senot at F/Supt Florante Cruz, hepe ng finance services ng BFP.
Ang kaso ay kaugnay sa "illegal disposal of government vehicles o fire trucks" na tahasang paglabag sa section 79 ng Audit Code at COA guidelines No. 88-569. Naghihimutok ang mga nagharap ng reklamo na sina Engr. Roberto Tan, F/C Inspector Nelson Feliciano at F/S Inspector Renato Molina.
Anila, imbes na kastiguhin, ang isa sa mga inireklamo na si Senot ay itinaas pa sa tungkulin upang maging direktor ng BFP sa rekomendasyon umano ni DILG Sec. Joey Lina. Pambihira talaga sa gobyerno!
Kaya ibig nating kalampagin at tawagan ng pansin si Chairman Dario Rama ng anti-graft commission. Pakisiyasat po ang kasong ito.
Inirekomenda na ni Presidential Adviser on Police Matters Orlando Macaspac sa Presidential Management Staff na pinamumunuan ni Silvestre Afable Jr. na suspendihin ang mga inaakusahan habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso. Actually, talaga namang SOP ang ganyang suspensyon.
Nagtataka lang tayo kung bakit sa kabila ng reklamoy naitaas pa ng tungkulin ang inirereklamo. Baka kaya hindi alam ni DILG Sec. Lina ang kaso. Ngayong batid na niya, hindi naman marahil masamang iurong ito.
Wika nga, pairalin muna ang gilingan ng hustisya. Kung mapapawalang sala, eh di ituloy ang promosyon. Pero kung mapapatunayang nagkasala, hindi lang pagtitiwalag sa tungkulin ang dapat ilapat kundi ibilanggo para matakot ang mga mahilig gumawa ng katarantaduhan sa gobyerno.