Ayon kay Henry, bago pa lamang mapatay si Clarence hindi ito ang kauna-unang"attempt"sa buhay ng kanyang kapatid. May naunang dalawang tangkang pagpatay kay Clarence ang naganap na nung mga nakaraang panahon.
Sino ba si Mayor Clarence Benwaren. Nakilala lamang siya dahil sa brutal na pagkapaslang sa kanya sa loob ng simbahan. Bago nun ano ba siya?
Nagtapos si Clarence ng A.B Political Science sa Baguio Colleges Foundation. Naging Director siya ng Cordillera Executive Board (CAR Policy Making Body) noong panahon na mayor ang kanilang amang si Pedro Benwaren. Taong 1968 nang mahalal si Pedro bilang mayor ng Tineg, Abra subalit noong panahon ng rehimeng Marcos ay ipinakulong ito noong 1976. Makalipas ang isang dekada ay nanungkulan muli si Pedro noong administrasyong Aquino noong 1986.
Minahal ng Tineg, Abra ang mga Benwaren kung kayat nang matapos ang termino ni Pedro ay hiniling ng mga ito na si Clarence naman ang pumalit sa kanyang ama. Taong 1998 pinasok ni Clarence ang magulong mundo ng pulitika. Hindi naman nabigo ang mga Benwaren sa pagtakbo bilang mayor ni Clarence sa katunayan pa nito ay nanalo si Clarence nang walang kalaban.
Bago matapos ang termino ni Clarence ng taong 2001 ay ikinasal siya noong ika-21 ng Enero 2001 kay Soledad Poligas na isang teacher sa Baguio. Wala silang naging anak.
Hiniling pa rin ng mga tao sa Tineg, Abra na muli siyang tumakbo bilang mayor. Sa pagkakataong ito, nakalaban niya sa posisyon ay si Resty Eduarte, anak ng Municipal Treasurer ng Tineg, Abra. Hiniling ni Governor Vicente Valera na kalabanin ni Resty si Clarence. Sadyang mahal ng taumbayan ng Tineg si Clarence kung kayat muli itong nanalo bilang mayor.
Nag-umpisa na rin ang maraming banta kay Clarence nang muli siyang manalo bilang mayor ng Tineg. Marahil may mga taong labis siyang kinainggitan sa mga natamo niyang tagumpay at tiwala ng taumbayan sa kanya. Marami na rin siyang mga bantang natanggap katulad na lamang noong ika-19 ng Abril 2002 nang may bigla na lamang naghagis ng isang hand grenade sa kanilang bahay. Mabuti na lamang ay sa puno ito tumama at sa kabutihang palad naman ay wala nasugatan sa kanilang pamilya.
Nakilala naman ang tatlong lalaking naghagis ng granada sa kanilang bakuran. Ito ay sina Renato Ongay, Jonathan Benwagen at Jefferson Libuen. Sa pamamagitan ng motorsiklong ginamit ay napag-alaman nila na ang tatlong kalalakihan na ito ay pawang mga tauhan daw, ayon sa kanila, ng isang katunggali sa politika.
Nagsampa sila ng kaso laban sa mga suspects na hanggang sa ngayon ay dinidinig pa rin sa hukuman. Dalangin pa rin ng mga Benwaren na naway pumanig naman sa kanila ang hustisya.
Hindi pa doon nagwakas ang mga pagbabanta sa buhay ni Clarence. Sa ikalawang pagtatangka sa buhay niya ay noong ika-12 ng Hulyo 2002 mga bandang alas-5 ng hapon bago mag-Barangay Election. Pauwi na noon sila kasama ang ilang mga pulis at iba pang kasamahan na bigla na lamang silang pagbabarilin. Nagkaroon ng enkuwentro sa pagitan ng mga pulis na kasama ni Clarence at ang mga armadong lalake na papatay kay Mayor Clarence.
Ayon kay Henry, "Sina Clarence na nga ang pinagbabaril ay binaligtad pa ang mga pangyayari. Sila pa ang inireklamo ng kabilang grupo subalit pumanig pa rin naman kay Clarence ang hukuman sapagkat na-dismiss ang kaso."
Abangan sa Miyerkules, April 9, 2003 ang mga susunod na detalye, EKSKLUSIBO dito lamang sa CALVENTO FILES. Para sa anumang reaksyon o comments maari kayong tumawag sa 7788442. Maarin din kayong mag-text sa 09179904918.