Taong 1920 ang sinasabing pinakamakulay na yugto sa ating kasaysayan. Sa panahong ito nauso ang circus, zarzuela, karnabal at ang vodabil na dinala sa Maynila ng impresaryong si Lou Borromeo. Sina Katy dela Cruz at ang comedy team na Pugo at Tugo ay ilan sa mga sumikat na artista ng vodabil.
Isang natatanging personahe si Pancho Villa, ang boksingerong naglagay sa Pilipinas sa world map. Inidolo siya ng marami kaya nang siyay yumao ay nagluksa ang bansa. Marami ang nakipaglibing kay Pancho Villa na pangalawa sa dami ng sumama sa funeral ni President Ramon Magsaysay noong 1957.
Sa panahon ding iyon nauso ang mga sayaw na Big Apple at Boogie-Woogie pero paborito pa ring sayawin ang tanggo lalo na sa malaking ballroom ng Santa Ana Cabaret.
Naghasik ng lagim ang bandidong si Santiago Ronquillo ng Cavite. Nasindak ang mga taga-Maynila sa tuwing sasalakay sina Ronquillo na sinasabing may agimat kaya hindi tinatablan ng bala subalit napatay din siya sa kanyang pakikipagbarilan sa mga sundalo ng PC sa Noveleta.
Isa raw sa pinakamagandang Miss Philippines si Pacita delos Reyes na naging reyna ng Manila Carnival. Suot niya ang trahe na ginawa ng bantog na si Pacita Longos. (May karugtong)