"Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: Magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay hindi mawawalan ng bisa hanggat hindi nagaganap ang lahat. Kayat sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumanap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos."
Hindi pinawalang-bisa ni Jesus ang lumang Kautusan. Naparito siya upang tuparin iyon. Paano? Sumunod siya sa mga iniuutos ng Kautusan. Tinupad niya ang mga ipinangako nito. Tinuwid niya ang mga mali o mga kakulangan nito. Lahat ng nasa Kautusan ay makakarating sa kaganapan. Ang pangunahing batas o utos ng Diyos ay nakasulat sa puso ng tao. Bawat taoy binigyan ni Jesus ng pagkakataon upang tuparin ang mga ito. Binibigyan tayo ni Jesus ng biyaya upang mahalin, sambahin at paglingkuran ang Diyos. Hinayaan niyang mamulaklak at magbunga sa pantaong ugnayan ang pagmamahal at paggalang sa kapwa. Kung kayat malinaw na si Jesus ay hindi naparito upang pawalang-bisa ang Kautusan kundi naparito siya upang tulungan tayo na isakatuparan ito nang may pagmamahal at pagpupunyagi.
Kung may pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, maaari nating matupad ang Kautusan. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng konkretong pagpapakita ng pagkahabag. Pakikinig sa iba nang may pang-unawa. Pagpapakita ng pagtitiyaga sa ating pakikitungo sa kapwa. Pagiging pasensiyoso, maunawain, matulungin.
Ganito tayo minahal ni Jesus.