Matatandaan na binibira ko noon itong grupo ni retired Gen. Rex Piad dahil sa pagsusulong nito ng panukala sa Kongreso na gawing 58-years ang retirement age ng pulisya. Kasama sa mga tumutol sa panukala ni Piad ay sina Berroya at Fernandez, anang mga pulis na nakausap ko. Ang dahilan nila ay maantala ang promotions ng mga junior officers at magkakaroon ng demoralization nga sa hanay ng PNP natin. Kung sabagay, kung natuloy ang naturang hakbangin, isa sa mga makikinabang ay si dating PNP chief at ngayon Transportation Secretary Leandro Mendoza. Namatay ang panukala at matiwasay na nagretiro si Piad at ang grupo niya.
Nagtagumpay nga ang grupo nina Berroya at Fernandez, pero mukhang nakalimutan na nila ang ipinaglabanan nila. Kasi lumakad si Berroya at nakamtan nga niya ang minimithi niyang isang taong extension. Si Fernandez naman ay lumulutang pa sa ulap ang extension dahil wala pang linaw kung pagbibigyan nga ng Palasyo ang kahilingan niya. Si Fernandez ay dapat magretiro na sa Abril 1. Sa kaso ni Berroya mukhang pinipilit lamang niyang bawiin ang apat na taong serbisyo na nawala sa kanya dahil sa pagkapiit niya sa kasong kidnapping.
Samantalang sa kaso ni Fernandez, ang deputy chief for administration ng PNP, pinipilit ng mga junior officers na arukin kung bakit kailangan pa niyang manatili sa puwesto eh mukhang wala silang makitang dahilan. He-he-he! Ayaw pa kasing magretiro nitong mga Sirs natin para manahimik na ang PNP. Sa kaso lang ni Berroya, demoralisado na ang PNP natin eh di lalong madagdagan pa ito kapag na-extend na rin si Fernandez, di ba mga suki? At nakikiusap ang mga junior officers na huwag na sanang makialam itong lalaking mataba sa kaso ni Fernandez tulad ng pakikialam niya kay Berroya. Pakialamero ka talaga Sir! He-he-he! Sa karera ka na lang kaya manggulo no Sir, puwede?