Corruption sa SBMA matindi?

GUSALI umano at hindi pitsa ang nawala ng parang bula sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Ito ang nakarating sa tanggapan ni Presidential Anti-Graft Commission bossing Dario Rama matapos inguso ng isang Jimmy Morales Sr., ng Olongapo City.

Nagsumbong si Morales kay Rama porke nakipagsabwatan daw sina SBMA bossing Felicito ‘‘Tong’’ Payumo, ilang opisyal ng nasabing tanggapan at ang mga kamag-anak umano ni Tong sa umano’y ilegal na donasyon ng gusali mula sa SBMA.

Isang nagngangalang Jun Payumo, pamangkin umano ni Tong, ang nagkaroon ng interest sa aluminum scraps sa loob ng gusaling 1146 sa SBMA.

Gusto ni Morales na magsagawa ng mabilisang investigasyon ang opisina ni Rama base sa mga reklamong iniharap ng una kay Tong.

Ang sumbong kay Rama ay hinggil sa mga bakal at scraps sa Subic na million of pesos ang halaga kasi dapat daw sanang nagkaroon ng subasta bago ito mapunta sa taong may interes ng mga kagamitan. Take note, Prez Gloria Macapagal-Arroyo, Your Excellency.

Nakasama rin sa reklamo ang isang nagngangalang Patrocinio Escusa Jr., isang SBMA consultant at bossing ng working group ng bids ang award committee.

Ayon sa affidavit ni Morales, si Escusa umano ang sinasabing nakipag-usap kay Jun para makuha ang lahat ng gusto nitong scrap at maging ang gusaling pinaglalagakan nito ng walang gastos.

Napag-alaman sa affidavit ni Morales kay Rama, isa raw Leopoldo Salcedo, Barangay Captain ng Tipo sa Hermosa, Bataan, ang humiling sa SBMA ng donation ng gusali para magamit ng kanyang mga constituents.

Sabi ni Morales sa affidavit niya kay Rama, nagkaroon umano ng hokus-pokus sa documentation sa building na gusto nitong ipa-donate sa kanila na inaprubahan naman daw ni Tong.

Ang masama sabi pa ni Morales sa affidavit niya kay Rama matapos makuha ang Deed of Donation ay ibinenta naman daw ni Jun ang sirang gusali at scrap aluminum sa isang scrap buyer.

Ayon kay Morales, hindi raw nakinabang sa donasyon ang mga taga-Tipo matapos wasakin ang ibinigay nan gusali naging scrap na umano’y ibinenta kasama ang iba pang scrap aluminum sa loob nito.

‘‘Matindi ang alegasyon ni Morales sa mga taga-SBMA,’’ anang kuwagong Kotong cop.

‘‘May ebidensiya siguro siyang hawak kaya ganoon,’’ sagot ng kuwagong SPO-10 sa Crame.

‘‘Paano ngayon ito ang gulo o baka pulitika lang ’yan?’’ pailing na sabi ng kuwagong basurero.

‘‘Diyan sa kasong iyan lalabas ang totoong desisyon kung nagkaroon ng hokus-pokus?’’

‘‘Palagay ko sisikat na naman si Rama sa imbestigasyon niya tungkol sa isyung ito.’’

‘‘Naku ha dating sikat na si Rama.’’

‘‘Abangan natin ang resulta ng imbestigasyon.’’

‘‘Diyan sa palagay ko tama ka!’’

Show comments