Malambot ang batas na umiiral sa kasalukuyan at ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng puspusang kampanya ng mga awtoridad ay marami pa rin ang nagtutulak ng shabu at iba pang bawal na gamot. Hindi mapigil ang pagdagsa ng mga shabu mula sa ibang bansa. Kapag hindi nailusot sa mga baybaying dagat ng bansa, padadaanin sa mga container van at ihahalo sa mga produktong inangkat sa ibang bansa. Subalit ngayo'y kakaiba na ang kanilang estilo kung paano lalo pang mapalalakas ang pagbebenta ng produktong shabu. Dito na mismo sa Pilipinas niluluto. Wala nang gastos at ligtas pa sa huli.
Maraming lugar dito sa Metro Manila matatagpuan ang mga shabu laboratory. Mayroon sa Valenzuela City, Quezon City, San Juan, Parañaque at Pasay City. Pinakamalaking nakumpiskahan ng shabu ang Valenzuela lab na sinalakay ng mga awtoridad noong December 9 ng nakaraang taon. Noong July 18, 2002, nakakumpiska ang mga awtoridad ng 44.4 kilo ng shabu sa Loyola Heights, Quezon City.
Ang San Juan na unang ipinamalita na walang nangyayaring krimen ay kinatagpuan din ng laboratoryo ng shabu. Nakakumpiska roon ng may 6.8 milyong halaga ng shabu samantalang sa Parañaque ay nakakumpiska naman ng 68 kilo.
Kakatwa namang walang mahuling drug lord sa bawat pagsalakay ng mga pulis. Ang mga tauhan lamang (mga Intsik) ang madadampot sa raid. Nakatakas (o pinatakas) na ang mga drug lord katulad ng nangyari sa Valenzuela. Nakalabas na ng bansa ang mga "salot". Kung may mahuli namang "big time drug lord" ang mga pulis, kakatwa namang palalayain lamang ng judge na pinagsampahan ng kaso. Gaya ng nangyari sa pitong Chinese nationals na pinalaya ng isang judge sa Quezon City Regional Trial Court. Sa kabila na napakarami nang nakumpiskang shabu sa mga suspek, pinalaya pa rin.
Nakakalarma na ang problema sa droga. Sa kabila ng pagsisikap ng mga awtoridad na masugpo ang mga "salot" palalayain lamang ng mga corrupt na judge. Pagkaraang tiktikan at pag-aksayaan ng oras para madakip ay mawawalan lamang ng silbi ang pagsisikap. Mahihirapan talagang madurog ang mga "nandudurog".