Mahirap nang madurog ang jueteng. Parang kanser nang nakakapit sa buto at hindi makayod. Lalo pa ngang mahirap kayurin sapagkat pati pulis ay kasabwat.
Isang patunay dito ay ang pagkaka-raid sa isang juetengan sa Valenzuela City noong Linggo. Sinalakay nga ng mga tauhan ng DILG Special Operations Group Jericho ang juetengan sa Daang Bakal, Malinta. Ang kakatwa, nasa lugar ding iyon ang police precinct na pinamumunuan ni Senior Insp. Floridio Romero Jr. Si Romero ang commander ng Valenzuela Police Community Precinct 4. Agad na sinibak ni Lina si Romero makaraan ang pagsalakay sa juetengan.
Paano pa masusugpo ang jueteng kung ang nagpapasunod ng batas ay bulag at hindi makita ang mga nangyayari sa kanyang paligid kahit na nga nasa bakuran na niya ang mga nagju-jueteng. Ang katulad ni Romero ay dapat na maalis sa tungkulin. Masamang halimbawa sa iba pang opisyal ng PNP ang kanyang pagbubulag-bulagan o pagkunsinti. Hindi kailanman masusugpo ang jueteng kapag may mga PNP officer na tulad niya.
Hindi lamang si Romero ang gumagawa ng ganyan. Marami pang iba na patuloy na nagto-tolerate sa bawal na sugal. Sa halip na manghuli ay kumukupkop pa. Hindi rin lamang sa PNP may mga masasamang gawain kundi pati na rin ang mga opisyal ng gobyerno mayor, governor, barangay councilor ay sangkot sa malawakang jueteng. Ang pagraid ng mga tauhan ng DILG sa jueteng den sa Valenzuela ay hindi dapat diyan matapos. Magpatuloy pa sa malawakang pagsalakay at ipatupad ang batas. Ang tanong ay kung kailan makahuhuli ng "malaking isda" ang grupo ni Lina. Kung pawang mga "dilis" ang malalambat, balewala ang kampanya. Patuloy na lulubha ang problema sa jueteng.