Pagsibak ni Matillano kay Nepomuceno, moro-moro?

MARAMI ang natuwa sa desisyon ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Chief Supt. Eduardo Matillano na sipain na sa puwesto si jueteng genius na si Elmer Nepomuceno. Pero dapat ding pigilan ni Matillano ang panganganak ng mga unit sa CIDG dahil conflicting signals ang ipinaaabot niya sa sambayanan. Itulak din niya ang kanyang mga tauhan na magtrabaho laban sa kriminalidad para naman may maipakita silang accomplishments at hindi ’yong panay pagkaperahan na lang ang inaatupag nila.

Pinatunayan lamang ni Matillano na siya ay tao lamang at ang kapakanan ng sambayanan ang dapat mauna at hindi personal niya nang sibakin niya nga si Nepomuceno. Pero ang agam-agam ng sambayanan, baka moro-moro lang ito? Kasi nga kahit nasibak na si Nepomuceno ang lingguhang intelihensiya namang naiatang niya para sa partner niyang si Supt. Igmedio ‘‘Racmo’’ Cruz, ang hepe ng Task Force Red Scorpion, ay nananatili pa.

Ibig sabihin baka idinistansiya lang si Nepomuceno dahil nga ang leeg niya ang hinahabol hindi lang nga mga gambling lords kundi maging ng mga maliliit na trabahador ng jueteng. ’Ika nga mainit na siya. Habang malayo na si Nepomuceno tuloy naman ang koleksiyon ni Racmo, eh ano pa ang naiiba roon? Dapat pati si Racmo ay sinibak mo rin Gen. Matillano, Sir.

Hindi lang ’yan. Sa paglisan ni Nepomuceno biglang nanganak naman ng bagong unit ang CIDG sa katauhan ng anti fraud unit. Ano kaya ang fraud sa jueteng at pati koleksiyon ng intelihensiya ay pinasukan ni Supt. Divina, na dating miyembro ng RAM. Mukhang nagsawa na sa giyera si Divina at pera-pera naman ang inaatupag, he-he-he! Bumigay din! Sayang ang inumpisahan mo Supt. Divina, Sir.

Pero kahit nasibak man sa puwesto si Nepumuceno, hindi na siya magugutom dahil nakaipon na siya ng milyon. Hindi ba na mula sa P2 milyon eh tinaasan ni Nepomuceno hanggang P2.8 milyon ang intelihensiya ng CIDG kaya’t imposible na wala siyang kinita sa pambabraso niya sa mga gambling lords. Maliban diyan ito palang si Nepomuceno ang nasa likod din ng jueteng operations na may codename na Rolex diyan sa area ni Sr. Supt. Napoleon Castro ng Central Police District (CPD). Kaya pala buddy-buddy sila ni Supt. Richard Albano, ang hepe ng SPU ni Castro, he-he-he! Nagbago lang ng amo? Pilit pang inaabot ng espiya ko ang mga puwesto ni Nepomuceno, pati na ang mga kubrador niya at kung saan nila binobola ang resulta ng Rolex jueteng. Ang tanong lang, binobola pa ba nila ang resulta o kinakaskas na lang? He-he-he! Nagkabistuhan na.

Maaga pa sa ngayon para palakpakan natin ang aksiyon ni Matillano laban kay Nepomuceno. Lilitaw din ang tunay na dahilan sa darating na mga araw. Manmanan.

Show comments