Simula ng kuwaresma

NGAYON ang simula ng Kuwaresma. At pinaalalahanan tayong mga Kristiyano ng Ebanghelyo hinggil sa pangangailangang magdasal at mag-ayuno. Pinapayuhan tayo kung paano manalangin at tinatagubilinan kung paanong mag-ayuno.

Mainam na pagnilayan natin ang Ebanghelyo para sa araw na ito. Ngayong araw ding ipinapahid ang abo sa ating noo. At ang pari, habang inilalagay sa atin ang abo ay nagsasabi: "Talikuran mo ang kasalanan at maging matapat sa Ebanghelyo.’’

Tunghayan natin ang Ebanghelyo mula kay San Mateo (Mt. 6:1-6, 16-18).

‘‘’Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.

‘‘’Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.’’

‘‘’At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-bayan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihan ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

‘‘’Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ang mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang makaaalam nito. Siya, na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim, ang gaganti sa iyo."


Kapag tayo’y nagdarasal, sinasabi ni Jesus na tulad niya, manalangin nang lihim. Hindi tayo dapat mag-dasal upang mapansin at mapuri.

At kapag tayo’y nag-aayuno, hindi tayo dapat magmukhang malungkot. Kapag sinuman ay nag-aayuno, natural lamang na siya’y magutom. Kumakalam ang sikmura para sa pagkain. Tiisin ang sakit. Yaon ang ibig sabihin ng pag-aayuno. Anupa’t dalawang beses lamang sa panahon ng Kuwaresma tayo hinihilingang mag-ayuno: Sa Miyerkoles de Ceniza o Miyerkoles ng Abo at Biyernes Santo.

Ang apatnapung araw ng Kuwaresma ay inilaan upang ihanda tayo para sa napakadakilang kapitahan ng Pasko ng Pagkabuhay.

Show comments