Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Linggo na sa pagkakapatay kay Susukan, nabawasan ang tinik at ang kanilang isusunod naman ay ang lider na si Ghalib Andang alyas Kumander Robot. Si Robot ay isa sa nagkamal ng perang ransom mula sa mga dayuhan.
Magandang marinig ang ganitong kataga sa military. Dapat lamang na magpursigi na durugin nang tuluyan ang mga Abu Sayyaf na labis na ang kahihiyan at kapinsalaang idinulot sa bansa. Hindi na dapat pang patagalin ang pakikipaglaban. Kung nagawa nilang mapatay si Susukan maaari rin nilang magawa sa ibang matataas na commander na gaya nina Robot at Radulan Sajiron.
Noong nakaraang linggo, pumutok ang balitang hindi lamang ang war exercise ang dahilan kaya narito ang mga sundalong Amerikano kundi narito sila para durugin ang mga Abu Sayyaf. Sinabi sa editorial ng New York Times na kasama sa layunin ng Balikatan 03-01 ang pagsugpo sa mga Abu Sayyaf na kasama na sa listahan ng mga terorista. Kasunod ng pagputok ng balita ay ang pagkumpirma naman na dineploy na ng Pentagon ang kanilang battle ships sa Sulu para labanan ang mga bandido.
Kung totoo ito, kahiya-hiya kung ang mga Kano pa ang tatapos sa laban na pinasimulan ng AFP. Labis na ang kahihiyang dinanas ng AFP nang akusahang nakipagkutsaba sa mga bandido para makatakas nang kubkubin ang Torres Hospital sa Basilan kapalit ng malaking halaga ng pera. Kasunod ay ang pagkakapatay kay Aldam Tilao, alyas Abu Sabaya na hindi naman nakita ang bangkay.
Sa pagkakataong ito dapat na ipakita ng AFP na kaya nilang mapag-isa at hindi na kailangan ang tulong ng Kano para madurog ang mga bandido. Ipakita nila ang husay at tapang.