EDITORYAL – Mga OFW ang kawawa sa blocking ng AMLA

MGA overseas Filipino workers (OFWs) ang labis na apektado sa ginagawang pagtutol ng 12 senador na maipasa ang Anti-Money Laundering Act (AMLA). Hindi makapagpapadala ang mga OFW ng kanilang remittance sa pamilya at natural na ang kasunod nito ay ang pagkaatrasado sa pagbabayad ng bayad sa kuryente, tubig, tuition, bahay at kung anu-ano pang mahahalagang bayarin. Hindi makapagpapadala ang mga OFW sapagkat haharangin ito ng Financial Action Task Force (FATF). Kailangang maipasa muna ang AMLA saka lamang makapagpapadala ng pera sa banko ang mga OFWs. Nagbigay ng deadline ang FATF ng hanggang March 15 para maipasa ang AMLA. Kahit na ang ipadadalang $150 ng OFW ay hindi makakalusot dahil nakasaad ito sa guidelines ng FATF.

Ang 12 senador na mahigpit ang pagtutol sa pagsasabatas ng AMLA ay hindi natitigatig sa kasasapitan ng mga OFWs at kanilang pamilya sakalit maatrasado ang padalang pera. Paano’y pinuprotektahan nila ang sarili. Ang AMLA kapag naging batas ang magiging daan para mabulgar ang mga itinatagong suspicious account ng sinuman. Hahalungkatin kung saan nanggaling ang malaking perang nasa banko. Ang AMLA ang pipigil para ma-frozen ang kahina-hinalang malaking account ng sinuman. Pati ang mga perang nagmula sa droga ay kakalkalin sakalit maipasa na ang batas na ito.

Sinabi ng mga kumukontrang senador na magkakaroon umano ng "hogwash" sakalit tanggapin ang FATF guidelines. Sinabi rin ng mga senador na kailangan munang makakuha ng court order bago ang suspicious account ay ma-frozen at maimbestigahan. Marami pang angal ang mga senador na kumukontra sa pagpapasa ng AMLA na halata namang gusto lamang protektahan ang sarili. Ang kanilang sariling kapakanan ang binibigyang halaga kaysa sa mga maaapektuhan sakalit at hindi umabot sa ibinigay na deadline ng FATF. Paano na ang mga OFWs na limpak-limpak na pera ang dinadala sa Pilipinas at sumasagip sa lumulubog na ekonomiya?

Kung hindi maaaprubahan ang AMLA tiyak na masisira ang pagpapadala ng pera. At sino ang magiging kawawa? Ang bansa na rin. Dahil sa illogical na dahilan ng 12 senador kung kaya magkakaroon ng problema sa pagdaloy ng pera.

Gaano ba karami ang perang nakatago ng mga senador na ito at ayaw nilang mahalungkat? Mabubulgar na sa kabila ng kanilang maliit na suweldo ay mayroon silang nakatagong malaking pera. Siguro nga’y iyan ang dahilan kaya tumututol sila at patuloy na hinaharang ang AMLA.

Show comments