Unit na itinatag ni Col. Castro, 'pagkakakitaan' ang hanap

MASYADONG matalas pala ang bagong tatag na unit ni Sr. Supt. Napoleon Castro, director ng Central Police District na kung tawagin ay Special Protector Unit (SPU). Ang nakalulungkot lang mga suki, hindi ang karapatan ng sambayanan ang pinoprotektahan nitong SPU ni Castro kundi ang mga pasugalan, He-he-he! Ano ba ’yan? At lintek kung manghingi ng intelihensiya ang SPU dahil triple ang gusto. Aba matalas nga, di ba mga suki?

Ang SPU ay itinatatag ni Castro para tugisin ang mga kriminal na namumugad sa kanyang area. Pero kabaligtaran ang nangyari dahil imbes na ang kriminalidad ang uunahin, ang mga mata nila ay nakatuon kaagad sa mga pasugalan. Wala pa ngang nahuhuling kriminal eh pagkakitaan kaagad ang inaatupag, he-he-he! Wala talagang pagbabago itong pulisya natin. Lahat gustong yumaman.

Ang itinalaga pala ni Castro na hepe ng SPU ay si Supt. Richard Albano, na lumabas sa bagong tatag na Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. Di ba nasangkot din ang unit nito sa pangongotong umano sa mga Chinese traders na inakusahan nila sa pag-iingat ng cocaine? Alam ito ng batikang kolumnista na si Mon Tulfo. Eh kung noong sa PDEA pa siya panay sabit na itong si Albano, hindi nalalayo na mapariwara rin siya diyan sa SPU at ang pangalan ni Castro ang masisira, di ba mga suki? Baka maging dahilan pa itong SPU para hindi lumabas ang star rank ni Castro.

Ang ginagamit palang bagman ni Albano ay si Insp. Gerry Peralta, anang sumulat sa akin. Malupit daw itong si Peralta dahil hindi lang jueteng kundi pati peryahan, tong-its at ultimo kara y krus ay pinapatulan niya, he-he-he! Simot talaga.

May dahilan pala kung bakit abot-langit bigla ang intelihensiyang hinihingi ng SPU ni Castro. Ayon sa sumulat sa akin, tinuturuan pala ni jueteng genius Elmer Nepomuceno at ang kanang kamay niya na si Rudy Luna si Peralta. Aba kapag andon itong si Nepomuceno, hindi nalalayo na nasa likuran lang ang amo niyang si Supt. Igmedio ‘‘Racmo’’ Cruz, hepe ng Task Force Red Scorpion ng CIDG. Hindi lang pala sa probinsiya naghahasik ng bangis ang grupo ni Racmo kundi maging sa Metro Manila. Sobrang lawak talaga ng kalawakan mo Supt. Racmo Sir. Pero di ba sumumpa kang magserbisyo sa bayan? Bakit panay pagkakitaan ang inuuna n’yo? Tanong lang. Kelan kaya magsawa si CIDG director Chief Supt. Eduardo Matillano sa kagigisa n’yo ng pangalan niya? Baka hanggang Marso ’no?

Eh kung nagigisa nina Nepomuceno at Racmo ang pangalan ni Matillano, ganoon na rin ang nangyayari sa ngayon kay Castro dahil kina Albano at Peralta. Bukambibig ng dalawa ang pangalan mo Sr. Supt. Castro Sir kapag nakipagkita sila sa mga gambling lord, anang sumulat sa akin. Sila raw ang pinagkakatiwalaan mo kapag pasugalan ang pag-uusapan. Ano ba ’yan? Krimen muna bago bulsa!

Show comments