Ang mga bisitang german

Nitong nakaraang linggo, kami sa AKKAPKA-CANV ay naparangalan sa pagdalaw ng dalawang panauhin mula sa Missionwerk ng Germany. Sila ay sina G. Joerg Nowak at G. Fritz Stark.

Ang dalawa ay naparito upang idokumento ang mga ginagawa ng mga non-government organizations (NGOs) tungkol sa mga bata, kababaihan, kapaligiran at iba pang usaping pantao nang sa ganoon ay maisalarawan at maipahayag nila ito sa kanilang mga parokyano sa Germany.

Sina Joerg at Fritz ay nakapunta na sa Olongapo City bago sila dumalaw sa amin. Sila’y ipinasyal namin sa Parola at Barrio Magsaysay sa Tondo. Doon ay naranasan nila kung paanong mabuhay ang ating mga mahihirap na kababayan. Dinokumento din nila ang pagtuturo ng katesismo ni Ling Polison, isa sa aming miyembro, sa Emilio Jacinto Ementary School. Naobserbahan nila at nakausap ang mga batang tinuturuan ng katesismo.

Sa kanilang pakikipag-usap sa mga bata, tinanong nila ang mga ito kung ano sa Bibliya ang kanilang paboritong kuwento at bakit. Inalam din nila ang pag-iisip ng mga bata hinggil kay Kristo at sa buhay nito.

Pagkatapos, sina Joerg at Fritz, na sinamahan nina Tess, Lito at Jun – mga fulltime staff ng aming samahan – ay nagtungo sa bahay mismo ni Ling at doon siya ay ininterbiyu. Inalam nila kay Ling kung ano ang buhay niya dati, bago siya napasok sa aming samahan at bago siya naging katekista.

Ang sumunod ay ang kanilang pagdalaw sa tahanan nina Jojo at Dang Genita – isang mag-asawa na nabago ang buhay dahilan sa kanilang pagpasok sa seminar ng Alaydangal (active non-violence) at sa pagkatanto nila ng kanilang dangal bilang mga tao.

Nakita nina Joerg at Fritz ang maliit na bahay nina Jojo at Dang at kanilang limang anak. Dahilan sa ang mga naturang bisita ay malalaking tao, pumasok silang nakayuko sa bahay at nanatiling nakaupo sa mga silya habang nag-iinterbiyu. Bagamat nakaupo na, dahilan sa kaliitan ng bahay nina Jojo, ang mga ulo nina Joerg at Fritz ay halos umabot pa rin sa bubong ng bahay.

Sa kanila namang pagdalo sa aming regular na Tuesday Meeting, at pakikipagnilay nila sa Ebanghelyo, nasorpresa sila sa kabukasan ng mga miyembro sa kanilang pag-amin sa mga nakaraang makasalanang buhay nila. Nagkataon na isa sa mga miyembro, si Darn, ay nagdaos ng kanyang kaarawan. Kung kaya‚t pagkatapos ng pulong, kami ay nagmiryenda sa dalang pansit at cassava cake ni Darn.

Ang aming mga panauhin ay hindi makapunta sa Alabat Island dahilan sa kakulangan ng panahon, kung kaya‚t ininterbiyu nila sina Sanny at Malou na mula sa Alabat. At sa huli, kinapanayam nila si Jun tungkol sa naging buhay nito bilang bugaw bago ito napasok sa seminar ng alaydangal.

Sa kabuuan, ang aming mga bisita ay nagalak sa pagkakaroon nila ng mabuting karanasan hinggil sa uri ng pamumuhay ng aming mga miyembro, at sa kanilang pagtataguyod ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng alaydangal. Tunay ngang walang makahihigit sa personal na pagdanas ng mga baga-bagay.

Show comments