Ayaw ko ng giyera

Di kani-kanino ang pitak na ito
Sa paggigirian ng Iraqis-Kano;
At kung tatanungin sa nasabing isyu
Ayaw ko ng g’yera ayaw ko ng gulo! 

Ang hangarin lamang nitong ating pitak
Ang kapayapaan lang s’yang lumaganap;
Kung magkakadigma baya’y maghihirap
Ang mga sundalo ay ipatatawag! 

At sapagka’t tayo’y bansang demokrasya
Ang ating kapanig bansang Amerika;
Sa United Nations tayo ay kasama
Kahi’t ayaw nati’y sasabak sa g’yera! 

Sa paglalabanan ng dalawang bansa
Mayroong matatalo at may darakila;
S’yempre pa’y ang hangad ng diwang malaya
Ang kapayapaan s’yang bumandila! 

Kung maiiwasan sana’y huwag ibaon
Watawat ng US sa bansang may lason;
Ipagdasal natin na bukas at ngayon —
Magkasundo sila sa gawai’t misyon! 

Malakas ang US saka ang Britanya
Tiyak mawawasak ang bansang kaliwa;
Ang malungkot dito’y napapariwara
Ang mga karamay na bansang mahina! 

Kaya ang marapat sa panahong ito:
Ang United Nations maging matalino;
Ang kanyang desisyon paghariin nito
Mamagitan siya sa dalwang magulo!

Show comments