VRB Chairman Bong Revilla di kami magsasawang umupak

HINDI estilo ng kolum na ito ang magbigay ng "gintong" pagkakataon para kunin lang ang paliwanag o ang panig ng mga inirereklamo.

Kayong mga nakatuwad ang kukote sa pamunuan ng Videogram Regulatory Board (VRB), sapat na ang oras na aming ibinigay sa inyo sa reklamong inilapit sa amin at nailathala nitong nakaraang Miyerkules, ika-11 ng Pebrero.

Hudyat na ito para ikasa na namin ang BITAG! Ikaw, VRB Chairman Bong Revilla, makinig ka! Wala sa bokabularyo ko ang salitang "VIP treatment".

Kung inaakala mong iniidolo ka ng nakararami, dapat pangalagaan mo ’yang natamo mong imahe sa puting-tabing.

Subalit sa tunay na mundong ating ginagalawan, hindi ganoon kadali. Lalo na’t kapag ika’y nanunungkulan at naninilbihan sa pamahalaan. Hindi ka puwedeng magbalat-sibuyas kapag ika’y binatikos sa iyong mga aksiyon.

Gaya ng aking sinulat noong Miyerkules, isa ako sa mga sumusuporta sa iyong kampanya laban sa mga pirated CDs na ibinebenta kung saan-saan lang.

Ang dapat mo lang bantayan ay ‘yung mga dupang mong tauhan. Sila ‘yung mga anay sa iyong tanggapan. Walang pakundangang kinakaladkad nila ang iyong pangalan sa kanilang kagaguhan.

Nakikita na namin ang iyong pagbabale-wala. Ilang beses tinangka ng aming investigative team makipag-ugnayan sa inyong tanggapan at ang aming narinig ay puro dahilan lang. Magaling ang mga hayupak magpalusot!
* * *
Nakita namin ang kahinaan ng inyong komunikasyon sa VRB. Para sa iyong kaalaman, VRB Chairman Bong Revilla, "the quality of your communication is the quality of your organization."

Hangga’t hindi mo isinasaayos ang kahinaang ito, lalong lalala ang problema. Sa pananaw ng iba, ito’y kapatid ng kapabayaan.

Ang masahol dito, alam ng iyong mga tauhan ang kahinaan ng komunikasyon pero sinasamantala ito at nagtatakipan ang mga hunghang sa kanilang mga kapalpakan. Tulad nitong reklamong ipinaabot namin sa iyong tanggapan sa pamamagitan ng kolum na ito.

Bantayan mo si Atty. Carlo Uminga at ’yang isang may pangalan na ang katunog ay Taliban ni Osama Bin Laden. Hindi kami nakasisiguro kung ang pangalan nito’y Talingba? O Talaba?

Chairman Bong Revilla, nasa sa iyo na ang bola. Hindi kami magsasawang umupak sa kolum na ito hangga’t hindi ka kumikilos!
* * *
Para sa mga tips, reklamo’t sumbong, tumawag o mag-text sa mga numerong ito: (0918) 9346417 at telepono 9325310/9328919. Makinig sa DZME 1530 kHZ, Lunes hanggang Biyernes, 9:00-10:00 ng umaga. Panoorin ang "BITAG" tuwing Sabado, 5:00-5:30 ng hapon, ABC-5.

E-mail us:
bahalasitulfo@hotmail.com

Show comments