Bantayan ang iyong mga dupang na tauhan! Anumang kabutihan ang iyong inumpisahan, mabubura lang ito dahil sa kagaguhan ng ilan.
Maaaring lingid sa iyong kaalaman, kinakaladkad umano ang iyong pangalan nitong nagngangalang Atty. Carlo Uminga at ng isang R. Telingban ng Intelligence and Inspection Division ng VRB.
Nitong Sabado, Pebrero 8, nagkamali yata ng pinasukang mall ang dalawang kengkoy. Sa halip na Parañaque Savers Mall sa Parañaque City, ang pinasok ay Savers Square sa Pasay City.
Sinalakay ng mga ito ang nabanggit na mall sa Pasay, na dapat yung mall sa lungsod ng kengkoy na alkalde na si Mayor "Tsong" Marquez.
Hawak namin ang kopya ng INSPECTION ORDER na may number 030392 at may petsang 2-8-03 na iniwan pa ng iyong mga magigiting na komedyanteng tauhan.
Tila yata ginawang katatawanan ang maaksiyong pagsalakay ng mga ito. Armado pa raw ang mga ito ng mahahabang baril.
At ang malaking kapalpakang ginawa ng mga hunghang mong tauhan ay pati yung mga stalls na wala namang kinalaman sa inyong mga tinutugis na pirated CDs, pinasok at tinangay ang mga ibinebentang cellphones.
Chairman Bong Revilla, pati ba cellphones kasama ba? Sabihin na nating pirated cellphones ang mga ito. Hindi ito kasama sa inyong Inspection Order. Binibigyan ko ito ng diin kahit katatawanan, sinisiguro ko baka gawin nila itong dahilan.
Ang mga itoy kinunan namin ng video nang nakatalikod upang itago ang kanilang pagkakakilanlan. Baka lusubin na naman sila ng mga pirata mong tauhan.
Naniniwala ang mga ito, nayurakan ang kanilang karapatan sa sistema ng iyong mga inirereklamong pirata, este, operatiba pala.
Narito ang mga natangay na "pirated" cellphones na sa tingin ng iyong mga tauhan ay mga CD: Nokia 5210, 3210, 8210, at dalawang 3310.
Ang nais ng mga negosyanteng nagrereklamo ay ibalik ang mga tinangay na cellphones. At gusto nilang makausap ka ng harap-harapan, lalaki sa lalaki.
Ang mga ito ay matitinong kausap. Yun nga lang, hindi nila maitago ang kanilang galit.
Chairman Bong Revilla, kinakailangan ng iyong masusing imbestigasyon sa bagay na ito. Alam kong hindi ka kapareho ng isang kengkoy na alkalde diyan sa Parañaque, tila hindi seryoso sa kanyang mga gawain.