^

PSN Opinyon

'Debate'

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
GAYA NG inaasahan, naging maiinit ang pagpapalitan ng dalawang grupo sa programa ni Mareng Winnie (Monsod) Pareng Oca (Orbos) na "Debate". Sa pangkat ng "di-dapat magdala ng baril ang mga sibilyan" ay sina Director Ricardo de Leon (naging katapat namin); Atty. Homobono Adaza at si Congressman Raffy Biazon. Sa grupo naman ng "dapat payagan magdala ng baril ang mga silbiyan" ay ang inyong lingkod, Councilor Boyong Mañalac (retiradong Colonel ng PNP) at Atty. Jay-jay Mendoza, presidente ng Pro-Gun. Naging maayos naman ang takbo at walang pikunan. Pagkatapos ng lahat ng mainit na palitan ng argumento, nanatiling magkakaibigan kaming lahat at siguro naman walang nagtanim ng sama ng loob. May sinabi si Atty. Adaza, na katapat ni Boyong Mañalac na ang baril daw ay isang masamang bagay. Ito raw ay "weapon of aggression" at nakamamatay.

Maaaring may punto si Atty. Adaza, subalit ang hindi naisagot o dapat na sagot ni Kaibigang Boyong ay ang baril, kung nasa kamay ng isang iresponsableng tao ay delikado at nakamamatay. Subalit ang baril ay ginawa nga para maging instrumento upang panatilihin ang kapayapaan. Isang bagay na maaari nating magamit sa pagtatanggol sa ating sarili at mga mahal sa buhay. Bandang huli ng matapos ang "Debate", inilahad ni Mareng Winnie Monsod ang resulta ng survey, batay na rin sa mga taong tumawag at nagbigay ng opinion na mahigit sa 1,250 votes ay para sa "dapat payagan ang sibilyan na magdala ng baril" para sa kanilang proteksyon. Ang sa "hindi dapat" ay 820 votes, mahigit kumulang. Hindi naman importante para sa akin kung sino ang nanalo o natalo.

Ang tinitimbang dito ay ang pananaw ng ating mga kababayan, dahil sa lumalalang peace and order situation sa ating lipunan. Kakulangan din ng ating pamahalaan, ng ating Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines na protektahan ang ating mga mamamayan. Nandun ang takot at pangangailangan na tayo mismo ang magprotekta sa ating sarili. Oo nga’t trabaho ng pulis ang protektahan, obligasyon pa nga nila, pero nangyayari ba? Sumagot naman kayo mga mambabasa ng CALVENTO FILES para marinig nila ang mga comments ninyo. ‘Yung maayos na comments lamang po para mailathala natin sa espasyong ito.

Inaabot ko ang aking kamay kay Director Dick de Leon, isang kaibigan at hinahangaang Police Officer ng ating PNP. Kami ni Gen. Dick ay ilang heinous crimes na rin ang magkaakibat na lumutas, sa tulong ng mga tumatangkilik ng CALVENTO FILES. Hindi lamang nung Director siya ng CPD kundi pati na rin nung Regional Director siya ng Bicol Region. Ni isang kusing ay hindi nakinabang si Director de Leon. Wala akong intention na ipitin ang taong ito nung gabing yun, subalit siya ang ipinadalang representative ng PNP. Totoo naman talagang "walang kinunsultang miyembro" ng PNP ang ating pangulo ng kanyang ihayag ang Total Gun Ban. Ang nakatatawa nito, makalipas ang dalawang araw, naglabas ang Malacañang ng pagluluwag sa Total Gun Ban at sinabing maaaring magbigay ng Permit To Carry Firearms Outside Residence para sa mga tao na ang trabaho ay mapanganib at may banta sa kanilang buhay. Hindi ba’t yan na rin ang pinatutupad ng Firearms and Explosives Division ng PNP? Meron bang nabago? Tila wala yata.

Uulitin ko lamang na ako’y nangangarap din ng isang lipunan kung saan maaari tayong makapamasyal kasama ang ating mga anak, mga apo at mahal sa buhay, na walang kaba sa ating dibdib na may biglang susulpot na holdupper, drug-addict, homicidal-maniac, o anumang uri ng kriminal sa harapan natin at ni hindi man natin kayang ipagtanggol ang ating sarili at mahal sa buhay. Hangang sa hindi ko nakikita ang ganung uri ng pamumuhay, sino pa ba ang higit na maipagtatanggol ang kanyang sarili at pamilya kundi tayo na rin!

Maraming salamat sa "Debate" at sa kanilang staff na ginawa ang lahat para maging komportable ang lahat. Para sa anumang comment o reactions, maaari kayong mag-text sa 09179904918 o tumawag sa CALVENTO FILES, 7788442.
* * *
Salamat din sa kasama nating si Baby E. sa kanyang puna na si Mareng Winnie ay hindi nag-research dahil hindi niya kilala ang PM. Ganun din ang pakiramdam ko nang ipinakilala niya tayo nung gabing yun. Host siya, dapat niyang inalam ito.

Marami sana tayong gustong batiin nung gabing yun, subalit hindi nagkaroon ng pagkakataon. Ang aking mga kaibigan sina Dr. Amor, si Vic at JV, si kasamang Ronnie Halos at Al Pedroche, si Diane Mendoza at lahat kayong tumatangkilik sa CALVENTO FILES.

ADAZA

AL PEDROCHE

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

ATING

MARENG WINNIE

PARA

TOTAL GUN BAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with