Problemang lupa

DUMALAW sa akin si Mang Martin isang gabi.

"Aba, ginagabi yata kayo,’’ bati ko sa matandang magsasaka.

‘‘Gusto kitang makausap ng masinsinan.’’

‘‘Pinaupo ko siya.

‘‘Ano ba ang pag-uusapan natin?’’ tanong ko.

‘‘Ang bukid mo,’’ nakangiting sagot niya.

‘‘Wala akong bukid,’’ sabad ko sa kanya.

‘‘Kaya nga bibigyan kita!’’ pasya ni Mang Martin.

Nabigla ako sa aking narinig. Hindi ako makapaniwala.

‘‘Marami kang mga anak Mang Martin. Sa kanila mo na lang ibigay.’’

‘‘Sobra-sobra ang pag-aari kong lupa pero ayaw naman nilang magsaka,’’ paliwanag niya.

‘‘Hindi ako karapat-dapat sa kabaitan mo.’’

‘‘Iyan ang pasya ko, Doktor. Kasi iniaalay ninyo ang buong buhay para sa mga taga-nayon. At gustung-gusto mong magtanong tungkol sa pagsasaka. Kung ganoon dapat may sarili kang lupa para maisagawa mo ang natutunan.’’

‘‘Pag-isipan ko muna Mang Martin.’’

Nang muling pumunta sa bahay si Mang Martin ay mayroon na akong dahilan.

‘‘Naku, Mang Martin, bawal pa sa katulad kong Doktor ang tumanggap ng lupa. Masisisante ako.’’

‘‘Ganoon ba? Sige baka magbago pa ang pasya mo.’’

Pagkaraan ng isang taon ay biglang namatay si Mang Martin.

Ang sumunod ay nakakalungkot. Nag-away-away ang walong anak at dalawang asawa. Hindi magkasundo sa hatian ng lupa. Kamuntik na kamuntik na akong magkaproblema.

Show comments