Editoryal – Totoo na sana: Lipunang walang baril

KAILANGAN munang may mamatay saka kikilos ang mga maykapangyarihan. Kailangan munang may umagos na dugo at sumabog na utak saka ipagbabawal ang sandatang nakamamatay. Kung napagtuunan kaagad ng pamahalaan ang pagbabawal sa mga sibilyan na huwag magdala ng baril sa labas ng kanilang bahay, baka buhay pa si Jose Ramon Llamas, Romulo Kintanar, Supt. John Campos at maraming iba pa na pawang sa baril namatay. Si Llamas at Kintanar ay napatay kailan lamang at ang sugat na naiwan sa kanilang mga mahal sa buhay ay matagal pa marahil bago bumahaw o baka hindi na. Habambuhay nang tataglayin ang alala ng nabiktima ng baril.

Kamakalawa lamang ipinag-utos ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbabawal sa mga sibilyan na huwag dadalhin sa labas ng bahay ang kanilang baril. Ang kautusan ay inihayag ni Mrs. Arroyo sa pagsasalita sa 12th anniversary celebration ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame. Ang direktiba ay para maiwasan ang mga madudugong pangyayaring dulot ng baril na ang pinakahuli ay ang pagkakapatay kay dating New People’s Army leader Romulo Kintanar. Dalawang lalaki ang bumaril kay Kintanar habang kumakain sa isang restaurant sa Quezon City. Inako ng NPA ang pagpatay kay Kintanar.

Inatasan din ni Mrs. Arroyo si PNP Director Gen. Hermogenes Ebdane Jr. na suspindehin agad ang pag-iisyu ng permit to carry firearms outside their residences (PTCFORs). Ang mga permit na iisyu lamang ay ang para sa mga may-ari na ang kanilang baril ay hindi dadalhin sa labas ng bahay. Mariing sinabi ng Presidente na ang mga naka-uniporme lamang sa military at mga awtorisadong tagapagpasunod ng batas ang maaaring makapagdala ng baril sa labas ng bahay.

Tinatayang may 800,000 licensed gunholders sa bansa ang may permit na makapagdala ng baril sa labas ng kanilang bahay. Napag-alaman na may 328,000 na baril karamihan ay handguns ang iniingatan ng mga sibilyan na walang lisensiya. Ito ang mga tinatawag na loose firearms. Hindi pa kasama rito ang baril na iniingatan ng mga rebeldeng NPA. MILF, MNLF at ng mga bandidong Abu Sayyaf.

Ang hakbang ni Mrs. Arroyo ay kapuri-puri at magandang paraan para maiwasan ang karahasan. Hindi naman sana maging ningas-kugon ang kampanyang ito. Kailangang pairalin ang batas. Pakagatin ang ngipin para maramdaman. Hindi pa huli para maging mapayapa ang lipunan.

Show comments