Nagpalayas ng demonyo

Ang masasamang espiritu ay hindi makapanaig sa kapangyarihan ni Jesus. Nagpapalayas Siya ng mga demonyo. Ang iligtas tayo mula sa mapaminsalang epekto ng mga masasamang espiritu ang isa sa mga dahilan kung bakit si Jesus ay naparito. Bawat manunulat ng apat na Ebanghelyo ay nagsasalaysay sa atin ng mga kuwento tungkol sa pagpapalayas ni Jesus sa mga demonyo sa mga inaalihang tao.

Isa sa mga ito ay nasa Ebanghelyo ni Mark (Mk.1:21-28).

"Nagpunta sila sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.

"Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: ‘Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!’ Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, ‘Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!’ Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao at sumisigaw na lumabas.

Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan,

‘Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masamang espiritu. At sinusunod naman siya!’ At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus."


Ang pagdating ni Jesus ay ang pagpasok ng paghahari ng kapangyarihan ng Diyos sa mundo. Ang kapangyarihang ito ang ginagamit ni Jesus laban sa kasalanan. Ang kapangyarihan ding ito ang nagpapalayas sa mga demonyo mula sa mga tao na pumayag kay satanas na pamunuan ang kanilang mga buhay.

Bihira tayong makarinig ngayon ng mga taong inaalihan ng masasamang espiritu. Subalit patuloy na umiimpluwensiya ang masasamang espiritu sa mga tao sa pamamagitan ng panlilinlang sa kanila tungkol sa kalooban ng Diyos. Ang mga tao’y nalilinlang ng masamang espiritu hinggil sa pagtupad o hindi sa kalooban ng Diyos. Ang pagkilatis sa mga espiritu ay isang biyaya o grasya na ating kinakailangan upang mabatid ang kalooban ng Diyos para sa atin.

Hilingin natin kay Jesus na malaman natin ang kalooban ng Diyos para sa atin. Hilingin natin kay Jesus na bigyan tayo ng lakas upang ipaglaban ang katarungan at pantaong dangal.

Show comments