Makalipas ang 14 na taon ng empleo, nagsimulang makaramdam si Carmela ng pananakit ng dibdib. At dahil lumalala ang pananakit, nagsumite siya ng leave of absence sa trabaho. Ayon sa resulta ng eksaminasyong medikal, si Carmela ay mayroong atheroscierotic heart disease, atrial fibrillation, cardiac arrhythmia. Sa rekomendasyon ng kanyang doktor, nagbitiw siya sa tungkulin sa pag-asang ang sapat na pamamahinga ay makabubuti.
Nag-file si Carmela ng disability claim sa SSS na magmumula sa employees compensation fund. Subalit itinanggi ng SSS ang kanyang kahilingan na kinumpirma naman ng ECC sa dahilang walang sapat na ebidensiya na magpapatunay na ang kanyang kondisyon ay may kaugnayan sa trabaho. Pinagtibay ng CA ang desisyon ng ECC. Ayon sa CA, ang sakit ni Carmela ay hindi mababayaran dahil kulang ang kanyang ebidensiya, hindi ito napapabilang sa listahan ng ECC bilang occupational disease at ang panganib sa pagkakaroon nito ay hindi nagmula sa kondisyon ng kanyang trabaho. Tama ba ang CA?
Mali. Ang sakit ni Carmela ay napapabilang sa klasipikasyon ng cardiovascular disease. At dahil ito ay nakalista bilang compensable occupational disease, hindi na kakailanganin ang ebidensiya na may kaugnayan ang sakit na ito sa kanyang trabaho. Kailangan lamang patunayan ni Carmela na ang paglala ng kanyang sakit ay resulta ng mga kondisyon sa trabaho. Hinihiling ng batas ang makatwirang kaugnayan ng sakit sa trabaho at hindi na ang direktang kaugnayan nito. Sapat na ang teorya, kung saan nakabase ang kahilingan ni Carmela ay maaaring tunay. Hindi na rin bibigyang halaga ang medikal na opinyon kung mayroon namang katibayan na ang sakit ay may kaugnayan sa trabaho.
Sa kasong ito, napatunayan na sa pagtatrabaho ni Carmela, ang pananakit ng kanyang dibdib ang naging dahilan upang siya ay magpahinga ayon na rin sa kanyang doktor at sa huli ay magbitiw sa trabaho. Kaya, siya ay nararapat na makakuha ng kabuuang benepisyo dahilan sa kanyang sakit (Salmone vs. ECC et. al. G.R. No. 142392 September 26, 2000).