Hindi man ganap ang pagkakalahad ng senador sa kabulukan sa judiciary, nakalarawan sa mukha niya ang matinding pagkadismaya. Ang paglalahad ng ambassador sa nangyayaring katiwalian sa bansa ay binatikos naman ng mga mambabatas at sinabing wala itong karapatan na manghimasok sa problema ng bansa. Isang bagay na nakapagtataka sapagkat ayaw nilang humarap sa katotohanan. Grabe ang kabulukan at maski ang judiciary ay ginapangan na ng corruption.
Patunay dito ang nakapagtatakang pagkaka-dismissed sa kaso ng pitong Chinese national na nahulihan ng 41 kilos ng shabu noong July 16, 2002 na nagkakahalaga ng P2 bilyon. Pinawalang-sala ni Judge Emilio Leachon ng Quezon City Regional Trial Court ang mga suspected drug trafficker sapagkat ang nag-isyu umano ng search warrant ay isang judge mula sa Maynila. Sinabi ni Leachon na walang awtoridad si Manila Trial Court Branch 7 Judge Enrico Lanzanas na mag-isyu ng warrant para sa Quezon City.
Ang pagkaka-dismissed sa pito ang nagpaakyat ng dugo sa ulo ni Interior Sec. Jose Lina at sinampahan niya ng administrative case si Judge Leachon. Sinabi ni Lina na "kahina-hinala" ang ginawang pag-dismissed ni Leachon sa pitong Chinese gayong wala namang motion na ipina-file ang mga ito. Ang ginawa umano ni Leachon ay "nagbigay sugat" sa gobyerno at sumisira sa kampanya para linisin sa droga ang lipunan. Si Lina ang acting chairman ng Philippine Drug Enforcement Agency. Muling inaresto ang anim na akusado at nakakulong na ngayon. Hindi sila hinayaang makapagpiyansa.
Hindi lamang ngayon nangyari ang ganito na ang isang judge ay naakusahang pumapabor at "kumakalong" sa mga kriminal. Dapat ipaliwanag ni Judge Leachon ang kanyang panig sa Korte. Dapat din namang maging maingat ang bagong judge na humahawak sa kaso ng pitong drug traffickers at baka "makalayang" muli ang mga ito. Kawawa ang bansang ito kapag nakontrol ng mga salot sa lipunan. Marami ang magiging halimaw.