Pulitika'y itinakwil

Sa sinabi ng Pangulong hindi siya kakandidato
Marami ang nangatuwa sa kabayang Pilipino;
Ang pahayag ni Ate Glo ay malaking sakripisyo
Upang itong ating bansa ay lubusang umasenso! 

Kung ang iba nating lider ay ganito ang damdamin
Matagal nang itong bansa’y progresibo at maningning;
Ang hibo ng pulitika na batik sa bansa natin
Ay hindi na iiral pa kahi’t saan makarating! 

Hiniling pa ng Pangulo na tayo ay magkaisa
Upang itong ating bansa ay ganap na lumigaya;
Kung tayo nga’y watak-watak sa damdamin at adhika
Kaguluha’y maghahari at tayo rin ang kawawa! 

Sinisikap ng Pangulo na ang bansa ay iangat
Kalingain at tulungan lalo na ang mahihirap;
Subali’t ang ginagawa ay lagi nang may katapat
Ng pagpuna’t upasala ng kalabang mata’y bulag! 

At dahil sa kabuhayan ang problema nitong bayan
Ang lunas ay hanap niya sa lunsod at kagubatan;
Pero bawa’t hakbang niyang patungo sa kabutihan
Kinokontra’t sinisira ng kalabang politicians! 

Ayaw nila ng ang baya’y paunlarin ng Pangulo
Pagka’t gusto ng kalaban ay maangkin ang kredito;
At ngayon ngang pulitika’y itakwil ng liderato
Patuloy din ang kalaban sa ambisyong pulitiko! 

Ang malinis na hangarin ng sino mang nasa timon
Sa wala rin nauuwi pag-umentra ang simaron;
Ang matapat na hangaring mapaunlad itong nasyon
Ay nagiging pangarap lang pagka’t daming napipikon! 

Show comments