Noong nakaraang taon, sunud-sunod ang pagkakadiskubre sa mga shabu laboratories. Nadiskubre ang laboratoryo sa San Juan. Kataka-takang sa sentro ng bayan umupa ng gusali ang mga Intsik at malapit pa sa police station. Malalakas ang loob. Kasunod ng San Juan shabu laboratory ay ang pagkakadiskubre naman ng laboratoryo sa Xavierville Subd. Sinundan iyon ng pagkakadiskubre sa isa pang shabu lab sa Parañaque.
Ang pinakamalaking laboratoryo na nadiskubre ay ang sa Lawang Bato, Valenzuela City. Tinatayang P1 bilyong halaga ng shabu ang natagpuan. Salamat at nagkaroon ng sunog sa nasabing lugar at nadiskubre ang talaksan ng shabu na nakahanda nang ibiyahe. Natambad din ang mga sopistikadong kagamitan sa paggawa ng shabu kaya hindi mahahalata ang pagluluto kahit na itayo ang laboratoryo sa siyudad at kahit malapit sa police station. Kasunod nang pagkakadiskubre sa Valenzuela shabu laboratory, isa pang malaking laboratoryo ang nadiskubre sa Navotas. Milyong halaga rin ng shabu ang nakumpiska roon.
Ang nakapagtataka, kahit na sunud-sunod ang pagkakadiskubre sa mga shabu lab, wala namang mahuling Chinese. Para bang may nakapag-tip na sa kanila na sasalakayin ang laboratoryo kaya sumisibat na. Isang halimbawa ay ang dalawang Chinese na sina Wang Yashi at Deng Xiao Li. Sila ang pinaniniwalaang nasa likod ng mga shabu lab sa Valenzuela, QC at Navotas.
Nang araw na salakayin ang Valenzuela shabu lab, pumuslit na ng bansa si Wang at kinabukasan naman si Deng. Paano nakalusot sa Bureau of Immigration ang dalawa? Si Wang ay nahuli na noong 1996 sa Pampanga dahil din sa shabu at nakapuslit din. Nagbalik siya sa bansa noong Dec. 3, 2002 at malayang nakadaan sa BI. Ganito rin marahil ang gagawin niya sa muling pagbabalik sapagkat maraming "bugok na itlog" sa BI na madaling tapalan ng pera.
Kailan dudurugin ang mga "bugok na itlog" sa BI?