Noong umaga ng January 1, 2003, mas lalo nang naging makapal ang maitim na usok na bumalot sa kapaligiran sa Metro Manila. Hindi na nakapagtataka sapagkat humalo pa sa dati nang maruming hangin ang mga usok na galing sa malalakas na paputok. Nakababahala ang mga epekto ng maruming hangin at nagpapakita na ng palatandaan ng tahimik na pananalasa sa mamamayan.
Noong nakaraang taon, maraming estudyante sa isang exclusive school sa San Juan ang nakaranas ng pagkahilo at pagsusuka na naging dahilan para suspindehin ang klase. Ang air pollution ang itinurong dahilan sa pagkahilo at pagsusuka ng mga estudyante. Ang school ay hindi kalayuan sa EDSA, na pinagmulan ng nakalalasong hangin. Nasa EDSA ang maraming sasakyan, karamihay mga kakarag-karag na pamasaherong bus na nagbubuga ng may lasong usok. Bukod sa bus, nasa EDSA rin ang mga FX taxi at mga pribadong sasakyan na hindi na gaanong pinag-aaksayaan ng panahon ng Department of Transporation and Communications at Land Transportation Office na isailalim sa smoke belching test. Kung magkaroon man ng smoke-belching campaign, iyon ay ningas-kugon at kadalasang pakitang tao lamang. Kinabukasan, ang mga hinuling sasakyan na nagbuga ng maitim na usok ay nasa kalsada na naman. Pera lang ang katapat at lusot na naman sa batas.
Sa Metro Manila, ay may tinatayang 55,596 jeepneys at 11,086 pampasaherong bus. Idagdag ang 5,000 taxis, 6,619 na "for hire" trucks at 52, 932 tricycles. Bukod sa mga ito, tinatayang may 883,699 na mga pribadong sasakyan. Gaano kakapal ang nakalalasong usok na kanilang pinakakawalan araw-araw? Sila ang nagdudulot ng grabeng pollution dahil sa maruming gasoline at diesel na ginagamit.
Grabe na ang air pollution at dapat lamang na hindi na mag-atubili ang pamahalaan sa pagpapatupad ng Clean Air Act. Lagyan ito ng ngipin upang makalanghap ng sariwang hangin ang lahat partikular dito sa Metro Manila. Ang batas na ito ay ginawa para sa kapakinabangan ng nakararami.