Pigilin ang mga smuggled na gulay

DUMADAGSA ang mga smuggled na gulay sa bansa. Karamihan sa mga gulay ay galing sa China at Australia.

Hindi miminsan na nalathala at ipinalabas sa TV ang pagkakatuklas at pagkakasabat ng mga maykapangyarihan ng mga smuggled vegetables. Ilang container van ang natagpuang naglalaman ng mga puslit na gulay na ibinebenta sa Divisoria at sa iba pang palengke.

Naghihinagpis ang mga magsasaka, lalo na ang mga maggugulay sa La Trinidad, Mt. Province. Sinabi nila na kakaunti na nga lang ang inaani nang kanilang mga gulay ay binibili pa sa napakamurang halaga. Halos baratin sila. Wala naman silang magawa. Imbes na mabulok ang kanilang mga tinda ay napipilitan nang ibenta kahit malugi.

Idinadaing ng mga magsasaka sa Benguet na malaking kakumpetensiya nila ay ang mga imported na gulay na ang bagsakan ay malalaking grocery, hotel at restauran. Napag-alaman na tanging ang mga pinapayagang imported vegetables wala sa Australia at New Zealand ay ang brocolli, celery, letsugas at cauliflower. Sa kalakaran ngayon maging ang mga bawang at sibuyas dito ay tinatalo pa ng mga bawang at sibuyas na inismagle sa China at Korea. Marami ding inismagle na luya sa mga palengke natin.

Idinadaing ng mga magsasaka na ang mga gulay na inaangkat at ini-smuggle buhat sa ibang bansa ang papatay sa industriya ng gulay sa Pilipinas. Ano ang hakbang na ginagawa ng department of agriculture sa suliraning ito ng ating mga magsasaka?

Show comments