Halos tapos na ng Piatco itayo ang NAIA-3 na 25-taong operating concession. Kaya magdedemanda raw ito. Mahigit $550 milyon na kasi ang nagastos sa construction.
Pero paano itutuloy ang operating concession, e maraming naging himala sa construction? Una, hindi nasunod ang terms ng bidding nung 1997. Sa bidding, Piatco ang bubutas ng tunnel mula NAIA-1 patungong NAIA-3. Sa kontrata, biglang nawala ang planong tunnel. Pinalitan ng access road, pero DPWH ang gagawa. Nadagdagan pa ng kalye mula NAIA-2 papuntang NAIA-3. Gobyerno rin ang nagtustos sa halagang daang-milyong piso. Giniba pa ang bahagi ng Nayong Pilipino.
Matapos pirmahan ang original contract, marami pang binago nung termino ni Erap. Tinanggal ang poder ng gobyerno na i-regulate ang singil sa parking lot, catering, upa sa duty-free shops, at siyam pang pagkikitaan ng Piatco. Isiningit ang proviso na gagarantiyahan ng estado lahat ng utang ng Piatco, miski labag sa B-O-T Law. Hindi sinunod ang building specifications. Tinipid ang fire-sprinkler system at air-con. Tapos, nagtayo ng cargo terminal at shopping mall miski wala sa plano.
Sinasabing maraming kumitang pailalim nung panahon ni FVR at Erap. Natunugan ni Mrs. Arroyo ang ilang appointees na kumubra para baguhin ang provisions. Ngayong pinasya nang ilegal ang deal, dapat tugisin at kasuhan ang mga kawatan. Ipasoli sa kanila ang illegal wealth.
Malapit na ring ideklara ng Senado na ilegal ang Piatco contract. Baka pati ang Korte rin. Kung nagkataon, pati mga congressman na nagpalusot sa kontrata. Halata ring inayos sila.