Mayor Tinga, sagutin mo muna ang P16M notebook scandal

SAGUTIN muna ang P16 million notebook scam bago magpropaganda. Ito ang mariing hinanakit ng mga mamamayan ng Taguig. Ang seste kasi mga suki marami umanong propaganda si Taguig Mayor Freddie Tinga. At balitang-balita ngayon na marami siyang gimik sa kanilang bayan.

Ipinagkakalat ng kanyang mga alipores na walang mangyayaring recall dahil ibinasura na ng Comelec ang petisyon ng Preparatory Recall Assembly (PRA).

Alam na alam ni Tinga na wala pang nagiging desisyon ang Comelec ukol sa bagay na ito. At kung mayroon man, wala akong nakikitang dahilan para ibasura ang recall petition ng PRA laban kay Tinga.

Dahil sinasaad sa recall provision ng Local Government Code dalawa lamang ang may timbang bago aprubahan ang recall election.

Una, ang DOKTRINA ng 50 percent plus one. Kapag nakuha ng PRA ang tamang bilang, sapat na ito para makapagsumite ng petisyon. Ikalawa, Signature Verification. Natapos na ang prosesong ito. Katunayan, ideneklara na ang Comelec na authentic o original ang lahat ng pirma sa petisyon. At maliwanag din na mahigit 50 porsiyento ang bilang ng mga nakapirma sa PRA.

Matapos nakasunod sa dalawang importanteng bagay na ito, ang tanging tungkulin na lamang ng Comelec ay ministerial. Ibig sabihin, kailangang makatakda na ng eleksiyon ang Comelec dahil nakatupad sa lahat ng requirements ang mga petitioners.

Ang tanong ngayon ay ganito? Bakit kaya hanggang ngayon ay nakabitin pa rin ang desisyon ng komisyon? Ilang milyong dahilan kaya ang nakasubo sa komisyon?

At habang tumatagal ang recall kay Mayor Tinga ay patuloy ang pangangamba ng mga taga-Taguig sa posibilidad na magkagulo sa kanilang lugar. Dahil sa katunayan patuloy ang panggagapang ng mga alipores ni Tinga sa hanay ng mga kalaban.

Marahil ang patuloy na pagkaantala ng recall election sa Taguig ay nagbibigay ng maling interpretasyon kay Tinga na wala nang eleksiyong magaganap.

At sinasamantala ng mga tauhan ng mayor ang pagka-delay ng Comelec resolution para makapagdiwang gayong hindi naman nararapat. Mayor, bago ka magpropaganda, sagutin mo muna ang maraming isyung ibinabato sa iyo, lalo na ang P16 millon note book scandal.

Show comments