Ang pagkakatakas ni Usman ay magdudulot na naman ng kakaibang takot sa mamamayan. Kung bomba ang kanyang ginagawa, tiyak na hindi na matatapos ang mga pagsabog at marami pang buhay ang masasayang. Gagawa pa nang bomba at maghahasik ng kaguluhan hindi lamang sa Mindanao kundi pati na rin dito sa Metro Manila. Isang linggo na ang nakararaan, isang bus ang pinasabog sa Balintawak at dalawang tao ang namatay at maraming nasugatan. Mga terorista ang itinuturong may kagagawan ng pagpapasabog.
Si Usman ang suspect sa pagbomba sa Fitmart shopping center noong April 21, 2002 sa General Santos City kung saan 15 tao ang namatay at 60 ang nasugatan. Siya rin ang itinuturong utak sa pagbomba sa Gen. Santos City Hall, sa international fishport doon, sa Gaisano Mall at sa mga banko sa downtown area.
Delikadong tao si Usman. Uhaw sa dugo ng kapwa. At walang ibang masisisi sa kanyang pagtakas kundi ang mga pabayang pulis na nagbabantay sa kanya. Umanoy naglalaba ng kanyang damit si Usman nang tumakas. Hanggang sa kasalukuyan, namamana sa dilim ang mga pulis kung saan hahanapin si Usman.
Marami nang nakatakas sa poder ng PNP. Natakasan sila ng Pentagon leader na si Faisal Marohombsar at ng suspected drug trafficker na si Henry Yu. Ngayon ay si Usman. Sino pa ang susunod na makatatakas. Kailangan nang magkaroon ng matinding parusa ang mga pulis na matatakasan ng bilanggo. Kailangang matikman nila ang lupit ng batas. Kailangan na rin ang balasahan sa PNP upang maputol na ang anomalya at suhulan o lagayan sa mga bilangguan. Panahon na para kumilos si PNP chief Hermogenes Ebdane Jr.