No less than the Defense Secretary Angelo Reyes has admitted na may "failure of intelligence" sa sunud-sunod na pambobomba sa Zamboanga at Metro Manila kamakailan. Dahil ditoy inuulan ng batikos si Presidente Arroyo mula sa mga katunggaling politiko. Pati ang panukalang bigyan ang Pangulo ng emergency powers (na tinututulan naman ng Malacañang) ay ginagawang rason para siya tuligsain.
Dito ako saludo kay Sen. Gregorio Honasan. Hindi siya puro ngawa but he rose above politics. May pormula siya para tulungan ang administrasyon sa pagbaka sa terorismo. Pinakilos niya ang pinamumunuang kilusang Guardians na may kalahating milyong kasapi mula sa mga retiradong militar, pulis at mga propesyonal sa buong bansa.
Magsisilbi silang "tenga at mata" ng gobyerno. Makikipag-koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya sa pagsugpo ng terorismo. Aktibong lalahok ang Guardians sa 24-oras na pagmamanman at pagtatanod sa bansa upang agad masawata ang anumang maitim na balak ng mga terorista.
Iniharap din ni Honasan sa Senado ang pagtatatag ng Anti-terrorist Information System. Layon nito na palakasin ang National Intelligence Coordinating Agency bilang pangunahing ahensya na siyang mangangalap at magkokonsolida sa lahat ng mga impormasyon tungkol sa terorismo.
Dahil sa ipinakikitang statesmanship ni Honasan, naniniwala ang ilang political analysts na kung hindi mahimok ng oposisyon si Fernando Poe, Jr. na tumakbo sa panguluhan, malamang ay siya ang maging "alternative presidentiable."