Ang kautusan ay biglang sumulpot makaraang lumabas ang survey ng Transparency International na pang-11 ang Pilipinas sa may 102 bansa bilang corrupt. Kapantay ng PIlipinas ang Pakistan, Romania at Zambia sa pagiging corrupt.
Eksaktung-eksakto naman ang paglabas ng survey kung saan ay maraming imbestigasyong nangyayari sa kasalukuyan na ang ugat ay katiwalian. Naglulutangan na parang kabute ang mga anomalya na ang sangkot ay mga opisyal.
Isang halimbawa nang katiwaliang pumutok at iniimbestigahan sa kasalukuyan ay ang magarbong construction ng President Diosdado Macapagal Boulevard (PDMB) na nagkakahalaga ng P600 million. Pinagbitiw na ni Mrs. Arroyo ang mga opisyal ng Public Estates Authority (PEA) na kasangkot sa maanomalyang PDMB. Ang whistle-blower ng anomalya na si Sulficio Tagud ay hindi naman daw magbibitiw.
Maganda sana ang kautusan ni Mrs. Arroyo na ma-check ang estilo ng mga opisyal ng gobyerno pero hindi maiaalis na maraming magduda kung hanggang saan ba hahantong ang pag-check. Baka sa simula lamang ang pag-check at kapag tumagal ay wala na ring mangyari. Sa simula lamang ang pagngawa at wala nang gawa.
Ang mamamayan ay nagsasawa na ningas-kugong gawain ng mga nasa puwesto. Mahusay lamang sa simula subalit wala rin sa dakong huli. Kung tutuusin, dapat ay noon pa isinagawa ang lifestyle check sa mga opisyal ng mga tanggapan, at hindi ngayon na kasabay pa sa yumayanig na bomba. Hindi naman lingid sa mamamayan na nakapaligid ang mga corrupt sa bawat tanggapan at kahit na anong gawing pananakot ay wala ring epekto.
Sanay hindi maging ningas-kugon lamang lifestyle check ni Mrs. Arroyo. Gawa ang hinihintay ng lahat at hindi ngawa.