Nang tumigil ang jeepney para bumaba ang iba sa mga pasahero, nai-park ni Cesar ang jeepney kung saan nakalantad ang huling bahagi ng jeepney dalawang metro sa highway. Dahil nakaharang ang inuupuan ni Daisy, kinakailangan pa niyang bumaba para paraanin ang pababang pasahero. Nang bababa na si Daisy, isang isuzu trak na minamaneho ni Tonio ang bumangga sa huling bahagi ng jeepney. Napilayan sa kaliwang binti si Daisy at na-ospital ng 15 araw. Tatlong buwang naka-semento ang kanyang binti at nakalalakad lamang siya gamit ang tungkod. Dahil sa matinding sakit ng binti, hindi na niya itinuloy ang pag-aaral.
Nagsampa ng kaso si Daisy laban kay Cesar para sa bayad pinsala at paglabag sa kontrata ng sasakyang pampubliko dahil sa kapabayaan nito. Sa kabilang banda, nagsampa naman ng kaso si Cesar laban kay Tonio, may-ari ng Isuzu track at ng driver nitong si Jawo para sa kuwasi-delito.
Matapos ang paglilitis, pinawalang-sala ng mababang hukuman si Cesar dahil ang driver ni Tonio na si Jawo ang may kasalanan. Sa kasong isinampa ni Daisy laban kay Tonio at Jawo sa kuwasi-delito, sinabi ng Korte na sina Tonio at Jawo ay magkasamang magbabayad sa pinsala ng jeepney. Tama ba ang Korte?
Mali. Parehong dineklara ng Court of Appeals at Supreme Court na si Daisy ay hindi nagbibigkis ng desisyon ng mababang hukuman sa kaso ni Cesar laban kina Tonio at Jawo. Hindi rin pareho ang mga isyu nito sa kasong isinampa ni Daisy laban kay Cesar. Ang kasong isinampa ni Daisy laban kay Cesar ay base sa kontrata ng sasakyang pampubliko samantalang ang kaso ni Cesar laban kina Tonio at Jawo ay base sa kuwasi-delito. Hindi mahalaga kung ano ang dahilan ng banggaan. Materyal lamang ito sa kasong kuwasi-delito at hindi sa kasong paglabag sa kontratang pampubliko.
Ang kontratang pampubliko at ang pagpapabaya ng jeepney ni Cesar na ihatid nang ligtas ang kanyang mga pasahero sa destinasyon ay sapat na mga elemento sa tagumpay na paghahabla dito. Sa insidenteng nangyari, ipinapalagay ng batas ang pagpapabaya ni Cesar. At hindi niya ito maitatanggi dahil una, hindi maayos ang parking ng jeepney bagkus naging balakid ito sa trapiko, (Seksiyon 54 ng Land Transportation and Traffic Code (RA 4136). Ikalawa, ang pagpapasakay niya ng pasahero lampas sa bilang ng upuan ng jeepney (Seksiyon 32, RA 4136).
Ang pag-upo ni Daisy sa tablang upuan na ikinabit lamang sa huling bahagi ng jeepney ay patunay na pagpapabaya ni Cesar sa kanyang mga pasahero. Kailangan niyang bayaran si Daisy ng P50,000 bilang bayad pinsala, attorneys fees na P10,000 at P1,000 sa paglilitis ng kaso (Calalas vs. CA, et. al. G.R. No. 122039 May 23, 2000).